^

PSN Opinyon

'Saksak malapit sa ari...'

- Tony Calvento -

(Unang bahagi)

ANG PINAKAMAHIRAP lutasin na kaso ay ang mga natagpuang patay at itinapon na lamang. Walang nakakita…walang umanong kaaway at higit sa lahat walang testigo.  

Napakadaling itala na lamang ito sa libro ng “unsolved cases”.

Ang mga kasong katulad ng tampok natin ngayon ay dapat magsilbing hamon sa isang gustong maging isang magaling na imbestigador ng krimen.

Paano mo pagdudugtung-dugtungin ang mga tuldok upang makagawa ng isang diretsong linya na magtuturo sa nakakubling mastermind sa likod ng bakal na kurtina ng isang magpahamong krimen? Samahan ninyo kaming lutasin ito.

November 5, 2008 ng pumunta sa aming tanggapan si Melinda Luna 56 taong gulang at isang propesor sa University of Rizal System-Morong.

Kasama niya ang kanyang panganay na anak na si Mannielyn Matawaran upang idulog ang brutal na pagpatay sa kanyang anak na si Eldee Jay Luna.

Si Jay 25 taong gulang at walong taon ng kasal kay Cherrie Luna. Sila ay may isang anak na si Joyce Luna pitong taong gulang at naninirahan sa Baras, Rizal.

August 2008 ng nanuluyan muna si Jay sa bahay ng kan­yang mga magulang sa Morong, Rizal dahil dito ay naka­kapanghiram siya ng pera para makapaghanap ng trabaho at para na rin magpalipas ng sama ng loob dahil ng mga panahong iyon ay nagkaroon sila ng tampuhan ni Cherrie.

August 19, 2008 bandang alas dos y medya ng hapon ay umalis ito ng bahay at walang nakaka-alam kung saan ito pupunta.

“Hindi siya nagpa-alam kahit sa mga kapatid niya kung saan siya pupunta. Hindi rin siya sumasagot sa mga tawag at text namin kaya hinintay ko siya hangang alas diyes ng gabi dahil may curfew sila sa bahay namin. Umabot na ng alas dose ng hating-gabi hindi pa rin siya umuuwi kaya nagalit na ako at sinabi kong pagagalitan ko si Jay pag-uwi niya,”kwento ni Melinda.  

Ikinwento ni Melinda ng gabing hindi umuwi si Jay ay ng isasara na ng kanyang anak na si Lemuel Luna ang likod ng kanilang bahay ay nakita niya dun si Darwin “Buboy” Belga. Si Bubuy ay 21 taong gulang at kaibigan ng kanyang mga anak na lalake. Napansin ni Lemuel na parang nagmamasid itong si Buboy sa kanilang kapaligiran.

Tinanong ito ni Lemuel kung anong ginagawa ni Bubuy dun pero kapansin-pansin ang pag-iwas nito ng iniba ang usapan at niyaya siya nito na tumambay sa kanto. Pagdating nila sa kanto ay agad din itong umuwi.

Nakita siya ni Melinda at tinanong kung nasaan si Jay. Sinagot siya nito ng “Hindi pa po ba umuuwi?” at nagtuluy-tuloy na ito sa paglalakad pauwi.

August 20, 2008 bandang alas otso y medya ng gabi ng tumawag si P/Supt.Caimbon ng SOCO Laguna kay Mannielyn habang siya ay nasa trabaho.

Ang unang tinanong ni P/Supt.Caimbon kay Mannielyn kung kilala niya ang may-ari ng number na ipinantatawag niya. Sinabi ni Mannielyn na sa kapatid niyang si Jay ang number.

“Una pa lang ay masama na ang kutob ko lalo na nung sinabi ni P/Supt. Caimbon na may natagpuan silang patay na itinapon sa bangin sa Laguna. Idinitalye niya ang itsura ng bangkay kaya bigla na lang akong nanghina dahil lahat ng detalye ay tumutugma sa kapatid ko,” ayon kay Mannielyn.

Narecover ang wallet ni Jay mismo sa bangkay niya at sa loob ng wallet nakita ang isang sim card kaya naipaalam kaagad kay Mannielyn ang masamang insidente.

Umuwi si Mannielyn mula sa kanyang trabaho para ipaalam sa pamilya ang nangyari kay Jay.

Bandang alas diyes ng gabi ng umalis sila ng Morong para pumunta sa kay P/Supt.Caimbon ng SOCO sa Sta. Cruz, Laguna           

“Sinabi ko sa sarili ko na hindi ako iiyak. Walang dahilan kasi hindi naman sigurado na anak ko nga ang bangkay na natagpuan. Hangga’t hindi ko nakikita ng personal ang sinasabing bangkay naniniwala akong buhay ang aking anak. Malakas ang panalangin ko sa Diyos kaya hindi ako pinanghihinaan ng loob,” pahayag ni Melinda.

Pagdating sa Sta. Cruz, Laguna ay sinamahan kaagad sila ni P/Supt. Caimbon sa Balubayan Funeral Homes at dun nakaharap nila ang bangkay na nakita sa bangin.

“Nanginig ang mga laman ko. Tumiklop ang aking tuhod. Hindi ako makapaniwala na siya nga ang aking anak na si Jay. Napaluhod ako at nag-hysteria. Humagulgol ako at sa lakas nito nasisiguro kong umabot sa langit ang hinagpis ko. Ang anak ko ay isang malamig na bangkay,” umiiyak na kinwento ni Melinda.

Hinayaan kong umiyak si Melinda sa harap ko sa loob ng aming tanggapan. Pati ang kanyang anak na babae na kanyang kasama ay walang tigil ang tulo ng luha ng sariwain nila ang isa sa pinakamalagim na pangyayari sa kanilang buhay.         

Matapos ang ilang sandali ipinagpatuloy ni Melinda ang kanyang pagsasalaysay.

Ayon sa mga nalaman nila Melinda, bandang alas dos ng hapon ng August 20, 2008 isang binatilyo na caretaker ng isang niyugan ang naka­kita sa katawan ni Jay sa isang malalim na bangin. May SAKSAK NG ITAK MALAPIT SA ARI. Ipinaloob pa ito sa loob ng suot niyang shorts.

“Grabe ang sinapit ni Jay. Para siyang baboy na basta na lamang itinapon sa bangin. Bakit napakabrutal ng pagpatay sa aking anak ganun wala naman kaming alam na kaaway niya,” ayon kay Melinda.

Sa Medico Legal Examination Report ni Jay na isinagawa ni PC/Insp Roy A. Camarillo ng Regional Crime Laboratory Office-Calabarzon, Camp Vicente Lim, Calamba City.

“THE CAUSE OF DEATH IS STAB WOUND OF THE ABDOMEN WITH LIGATURE STRANGULATION.”

August 21, 2008 bandang ala singko y medya na ng umaga nauwi ang bangkay ni Jay sa kanilang bahay sa Morong, Rizal para iburol.

Inilibing si Jay nung August 24, 2008 sa Morong Municipal Cemetery. Pagkatapos ng libing nag-umpisa ng umandar ang kanilang mga isip kung sino ang maaring may kagagawan sa pagkamatay ni Jay.

ALAMIN ang mga detalye sa likod ng pagpatay kay Jay sa MIYERKULES… Eksklusibo dito sa Calvento Files at PSNgayon. (KINALAP NI JONA FONG)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

* * *

Email address: [email protected]

ANAK

CAIMBON

ISANG

JAY

MANNIELYN

MELINDA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with