Pagpatay sa sibilyan: Lumalalim na istorya
KAYA naman pala pailalim ang reaksiyon ng Philippine National Police. Sa batikos ng media sa pagkakapatay ng Special Action Force sa tatlong inosenteng sibilyan sa Parañaque City, ang sagot ay anonymous e-mail brigade. Pati ako, na mabilis pumuri sa kabutihan ng pulisya, ay pinupog ng kunwari’y readers’ reactions tungkol sa kahinaan ng SAF.
Kesyo huwag ko na raw palakihin ang isang di-maiiwasang pagkakamali sa pagpatay sa edad-7 na batang babae at kanyang ama, at sa supervisor ng Skyway Corp. Kahiya-hiya sila, binabale-wala ang buhay ng tao; parang hindi officers and gentlemen. Ngayon naman may bago silang anggulo na pinalulutang. Sa pamamagitan ng anonymous sources, pinakakalat nila sa media na: Kesyo kasali pala sa sagupaan sa mga magnanakaw ang Naval Intelligence and Security Force. At kesyo malamang ay ang mga sundalo ang nakapatay sa tatlong sibilyan, na pawang naipit lang sa enkuwentro.
Ayon sa palutang, kesyo mga NISF ang pinaka-malapit sa pook kung saan inulanan ng bala ang mag-amang nasa van. Apat na oras na raw ang NISF naka-puwesto sa site. Nag-set up pa kuno ng .50-caliber machinegun sa gilid ng kalye. Kung io-autopsy muli ang mga bangkay ng mag-ama, matitiyak kuno kung anong kalibre at mula saan ang mga bala.
Isinali ng kung sino’ng PNP higher-up ang NISF dahil gigil kuno ang mga sundalo sa isa sa mga magnanakaw. Kesyo asset daw nila ito, na dating hinihingan ng parte sa mga bank robberies. Pero hindi na raw sila pinapartehan, kaya pinasya raw nila itong likidahin.
Mabuti na lang ay inuusisa ng Commission on Human Rights ang pangyayari. Wala kasing pakialam ang Senate at House committees on public safety. Wala ring pakialam ang PNP: pinagtatakpan pa nga ang pagkakasangkot ng militar sa Parañaque massacre. Sa CHR umaasa ang mga biktima at ang madla para sa hustisya. Makamit sana ito.
Mahusay na unit ang NISF. Bukod sa tiyak at detalyadong intel sa terorismo at rebelyon, humuhukay sila ng solid info tungkol sa krimen. Makikita ng CHR kung sangkot nga sila o nagtatakip lang ang PNP.
- Latest
- Trending