ANG paninigarilyo ang itinuturong dahilan ng cancer sa larynx. Ang larynx ang tinatawag na gulung-gulungan. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga naninigarilyo ay limang ulit na maaaring magkaroon ng cancer sa larynx kaysa sa mga hindi naninigarilyo. Ayon pa sa report, pinakamaraming nagkaroon ng cancer sa United States ngayong 2008 — tinatayang 13,000 katao ang namatay ngayong taon. May mga naipaulat nang kaso ng cancer sa larynx sa Pilipinas pero hindi naman ito karamihan.
Sa mga hindi pa nakaaalam kung saang parte ang larynx. Ito ay nasa pagitan ng trachea at pharynx.
Ang mga sintomas ng cancer sa larynx: Karaniwang sintomas ng cancer ang grabeng pamamaos. Kapag napansin na may bukol sa lalamunan, maaaring sintomas ito ng cancer. Kapag nahirapang lumunok, may soreness, nahihirapang huminga at nakadarama ng pananakit ng mga taynga, maaaring sintomas ito at nangangailangan nang kumunsulta sa doktor. Huwag ibabalewala kung makita ang mga nabanggit na sintomas.
Ang mga treatment na isinasagawa sa cancer: Radiation therapy ang isinagawa sa tumors na nasa vocal cords. Kung malaki na ang tumor, ang pagtanggal na sa larynx ang kinakailangan. Ang radiation therapy ay nirerekomendang isagawa pagkatapos ng operasyon para tuluyang mawasak ang mga natirang cancer cells. Isang paraan din ang chemotheraphy para ma-treat ang cancer.
Mga gagawin para maiwasan ang cancer: Ang paninigarilyo ang dahilan kay nagkakaroon ng cancer sa larynx kaya ang aking ipinapayo ay huwag manigarilyo. Sa mga nagbabalak manigarilyo.Sa mga nag-uumpisa o nag-aaral pa lamang manigarilyo partikular ang mga kabataan, ihinto n’yo na bago maging huli ang lahat. Iwasan ang iba pang irritants sa larynx.
Eighty five percent hanggang 90 percent na may cancer sa larynx ay maaaring mabuhay nang limang taon makaraan ang treatment. Kung ang cancer ay kumalat na sa lymph nodes, ang limang taon na survival rate ay bumababa sa 30 percent. Mahalaga na ma-detect ang cancer nang maaga bago pa ito kumalat sa lymph nodes. Kung ang pamamaos at ang pagbabago ng boses ay tumatagal nang dalawa hanggang tatlong linggo, dapat na itong ikunsulta sa doktor.
Sa mga nagtatanong kung nakahahawa ba ang cancer na ito, hindi po ito nakahahawa.