ANO ba naman iyan! Sa nilulutong pambansang budget para sa taong 2009, dinagdagan ng mga Senador ng P20-bilyon ang kanilang pork barrel. Naku, halatang-halata naman ang ulterior motive diyan.
Ngunit hindi iyan ang nakakasulasok ng dugo. Habang pinalobo ang budget sa pork barrel, binawasan naman ang pondo para sa apat na specialty hospital ng pamahalaan.
Ang pinakamalaking bawas ay sa Philippine Heart Center na ang dating P417 million na badyet na inaprobahan ng House of Representatives ay ginawa na lamang P236 milyon ng Senado. Ang P315 milyon na inilaan ng Mababang Kapulungan para sa National Kidney Center ay ginawa na lamang P198 milyon ng Senado. Napakalaki rin ang pinungos sa budget ng Philippine Children’s Medical Center at Lung Center of the Philippines.
Bagamat may mga mayayaman ding dinadala sa mga pagamutang ito, nakikinabang din ang mga mahihirap na may maselang karamdaman sa mga specialty hospital na ito na pinasimulan pa noong panahon ni dating Presidente Marcos. Ngunit papaano makapagpapatuloy ng charitable services ang mga ospital na ito kung kapus sa budget?
Kawawa ang health and medical service ng pamahalaan para sa mga maralita. Marahil ay sasabihin ng mga Senador na may patutunguhan ding maganda ang kani-kanilang pork barrel, at iyan ay sa kanilang pet projects. Pero kung susuriin, masyadong personal ang kanilang layunin. Panahon na naman ng eleksyon at natural, ang pork barrel ay napakamabisang paraan para pag-guwapuhin ang mga mambabatas.
Marahil ay dapat pumalag si Sen. Ping Lacson diyan. Afterall, siya lang ang nalalaman kong Senador na hindi kumukubra ng pork barrel.
Sana naman, makilatis na mabuti ng ating mga pinagpipitaga-nang Mambabatas ang mga prayoridad na dapat nilang sundin. Sila ay inihalal ng taumbayan at ang kalusugan ng sambayanan ang dapat nilang gawing prayoridad.