MATAGAL nang ipinaglalaban ng mga magsasaka ang lupa na kanilang sinasaka. Bata pa lang ako ay naririnig ko na ang mga balita kung saan laging pinaglalaban ng mga magsasaka ang lupa nila. Karamihan ng mga lupa at haciendang natataniman ay pag-aari ng mga malalaking pamilya. At nang magsimula ang programang reporma sa lupa, mas tumindi ang away at bangayan ukol sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga magsasaka na ariin na ang lupang pinaghihirapan nila.
Marami nang demonstrasyong nakibaka ang mga magsasaka. May mga mapayapa, may mga marahas. Ang mga kilalang sagupaan ay ang mga protestang nagaganap sa Mendiola. Dito, may mga namatay. Ganun katindi ang pagnanais ng mga magsasakang mapunta na sa kanila ang mga lupa, at ganun din naman ang lakas ng pagtutol ng mga may-ari nito, lalo na mga hacienda na matagal nang pag-aari ng mga sinaunang pamilya sa Pilipinas.
Sa totoo nga, ang isang malaking sanhi ng kaguluhan sa bansa ay bunga ng hindi pagpapatupad ng reporma sa lupa. At hanggang ngayon, ito pa rin ang daing ng mga magsasaka. Katulad ng ipinasang resolusyon na pinahahaba pa ng anim na buwan ang isang kumpuni ng CARP.
Ayon sa mga magsasaka at iba pang grupo, walang saysay ito dahil binibigyan lang ng karagdagang panahon ang mga may-ari ng malalaking lupa na masama sa exemption. At pagdating ng anim na buwan, ganun at ganun din lang ang gagawin ng mga mambabatas. At bakit hindi? Karamihan ng mga nasa Kongreso ay may mga malalaking lupain, kasama na rito ang pamilya ni President Arroyo.
At hindi masisikmura ng mga mayayamang pamilya sa lalawigan na ipamigay na lang ang kanilang mga mahahalagang lupain. Kaya lahat ay gagawin para lang hindi mapatupad o maisali ang kanilang lupain sa reporma sa lupa. Ito ang halos isang siglo nang labanan.
Hindi puwedeng ibalewala ang problema ng reporma sa lupa. Hangga’t walang pangmata- galang solusyon, o tunay na pagpapatupad ng reporma sa lupa, walang maaasahang katahimi-kan mula sa mga magsasaka. Dapat lang tayong tumingin at matuto sa kasaysayan ng mundo. Ilang rebolusyon na ang naganap nang dahil sa inhus-tisya sa mga magsasaka. Sa Russia, sa France, sa China.
Kapag napatupad na ang reporma sa lupa, tiyak na magkakaroon na ng katahimikan sa lala wigan, pati na rin sa buong bansa. Titigil ang mga martsa, mga protesta, mga sagupaan at bangayan.