P10-K clothing allowance ng pulis saan na?
MAY kaibigan akong pulis na nag-text sa’kin. Aniya “Pare paki-katok naman ang pamunuan ng Philippine Na- tional Police tungkol sa P10,000 clothing allowance na hangga ngayon ay hindi pa ibinibigay.”
Baka sakaling makatawag ng pansin ito kay PNP Chief Jesus Versoza na bago pa lang sa puwesto at nagpapasimula nang magpatupad ng mga reporma sa organisasyon para maging mas epektibo at episyente ang ating pulisya.
Ilang saling-lahi na ng mga PNP chiefs ang namuno sa organisasyon, hindi pa pala ibinibigay hangga ngayon? Taong 2007 pa dapat ibinigay ito pero papasok na ang 2009 ay wala pa rin. Every three years daw ang bigayan ng allowance na ito.
Ang dahilan daw ng NCRPO finance office, wala pang pondo hangga ngayon. Naku, kapag ganyan ang dahilan, mahihirapan tayong pigain ang PNP.
The point is hindi naman kalakihan ang sahod ng ating mga pulis at ngayong magpapasko, kailangan nila ang cash. Bawal namang mag-carolling. At lalung pangit kung sila’y mangongotong, di ba? (LOL)
Bigayan na naman ng allowance sa 2009 kaya siguro magiging masaya ang 2009 ng mga pulis porke doble ang tatanggapin nila. Kung may datung na. Paano kung wala pa?
Kaya kung reklamo tayo nang reklamo tungkol sa mga corrupt police officers, ang masasabi nating dahilan ay ang maliit na suweldo at nababalam pang mga benepisyo.
Ganyan din ang kaso ng mga public school teachers. Sa kaliitan ng suweldo na kung minsa’y ginagastos pa nila sa pam-bili ng chalk at visual aids para sa mga estudyante, napipilitang magbenta ng tosino at iba pang paninda para maka-survive. Tuloy, apektado ang kalidad ng edukasyon.
Unsolicited advice ito kay Chief Versoza. Marahil po ay sikapin nating magkaroon ng disenteng sahod ang ating mga pulis. Kung hindi man maitaas agad ang suweldo, at least huwag namang ibibitin ang kanilang mga be-nepisyo.
- Latest
- Trending