MAS malalim pa ang natalisod ni Sen. Mar Roxas tungkol sa sabwatan ni Presidente Gloria Arroyo sa Big 3 oil firms. Unti-unti nang kinokontrol ng isang malakas na pamilya ang energy sector. Sa pamamagitan ng kapit sa Malacañang, sinusungkit ng pamilya ang Petron at Meralco, ang pinakamalalaking kumpanya ng langis at kuryente sa bansa.
Ani Roxas, halata ang sabwatang PGMA at oil firms. Bumagsak na ang krudo sa mundo sa presyong 2004. Kaya dapat ay P24 kada litro na lang ang diesel. Pero hindi pinapansin ni Arroyo na 50 percent pang mas mahal ang pump price: P36 kada litro. Tila pinapaboran ang oil firms.
Hindi sinasadya ni Arroyo paboran lahat ng oil firms. Pakay lang niya tumulong sa pinaka-malaking Petron na kontrolado ang 40 percent ng merkado. Nakinabang lang ang iba pang oil firms.
Susi sa isyung ito ang pag-aari ng Ashmore Group, na bumili nu’ng Marso 2008 ng 40 percent shares ng Aramco sa Petron, sa halagang $550 milyon. London-based ang Ashmore. Pero batid ng pinaka-malalapit na kaalyado ni Arroyo na kasali doon ang congressman na anak ng napaka-taas na opisyal. Dikit ang congressman na ito sa House committee on energy.
May napipintong anomalya. Binibili ng Ashmore ang 40 percent shares ng gobyerno sa Petron. Pero iginigiit nito na pareho raw dapat ang presyo ng pagkakabili nila sa Aramco, dahil right of first refusal kuno. Kalokohan ito. Dapat i-public bidding muna ng gobyerno ang shares nito, at saka ialok sa Ashmore ang bid price, sa ilalim ng prinsipyong right of first refusal.
Samantala, binenta sabay-sabay ng Land Bank, DBP at SSS sa Global 5000 ang pinagsamang 7 percent shares nila sa Meralco. Naunang magbenta ang GSIS sa San Miguel Corp. ng 27 percent shares sa Meralco. Iisa ang presyo nilang apat na pagbenta: P90 per share, three-years-to-pay. Nagsabwatan.
Sa pagsusuri ng Lopez Group, magsasanib ang San Miguel at Global 5000 sa susunod na stock holders meeting. Agawin nila ang management ng Meralco. Maanomalya na miski hindi pa bayad ang shares, pumayag na ang GSIS, SSS, DBP at Land Bank na maupo sa board ang mga “bumili”.