Konstitusyon ba ang dapat palitan?
DAPAT ba talagang baguhin ang Konstitusyon? Ibig ng mga alipores ng administrasyong Arroyo na ilunsad ang Charter Change sa pamamagitan ng pagsasanib ng Mababang Kapulungan at Senado bilang Constituent Assembly (Con-Ass).
Gusto naman ng maraming Senador na kung dapat palitan ang Karta ng bansa, gawin ito sa pamamagitan ng Constitutional Convention (Con-Con). Duda sila sa intensyon ng mga pro-GMA. Baka raw gusto lang nilang panatilihin sa kapangyarihan si Pangulong Arroyo.
“Con-Con? Magastos iyan!” ang sigaw ng mga proponents ng Con-Ass. Sa Con-Ass nga naman, hindi na kailangan ng eleksyon para piliin ang mga taong babalangkas ng bagong Konstitusyon. Mismong mga mambabatas ng Senado at Mababang Kapulungan ang magsasanib ng puwersa sa pagbuo ng bagong Konstitusyon. Pero ang tanong ng barbero kong si Mang Gustin: Bakit kailangang baguhin ang Konstitusyon?
Hindi kaya ang mga taong nagpapatakbo sa pamahalaan ang dapat magbago o baguhin? Ang Konstitusyon ay isang sistema ng pamamahala na dapat sundin. Ang lahat ng sistema ay mabuti kung susundin. Ngunit kung mayroong pagsasabwatan ang mga taong nagpapalakad nito para labagin ang ano mang probisyon sa makasariling interes, baguhin man nang baguhin ang Karta ay masama pa rin ang resulta.
Presidential form tayo ngayon, okay. Puwedeng gawing Parliamentary o puwedeng gawing Monarchy. Ngunit ano mang klase ng pamahalaan mayroon tayo, kung mag nanakaw at walang mabuting layunin ang mga nakaluklok diyan, hindi magkakaroon ng positibong pagbabago.
Kung ako ang masusunod, ang advocacy ng bawat Pilipino ngayon ay sumuporta at mag-endorso ng mga karapat-dapat na mamumuno ng bansa mula sa pambansa hanggang sa local na pamahalaan. Iluklok natin ang mga taong may tunay na pitagan at takot sa Diyos. Hindi na kailangang baguhin pa ang sistema.
Maaaring lumang Toyota Tamaraw lang ang sasakyan mo pero kung mahusay ang nagmamaneho, walang problema. Kahit palitan mo ito ng BMW o Chedeng, pero ang magmamaneho naman ay kaskasero, baka mahulog ka rin sa bangin o mabangga sa poste pagdating ng araw.
- Latest
- Trending