Suportado ng Mexicans si Pacman

TALAGANG sikat na sikat si Manny “Pacman” Pacquiao hindi lamang sa mga Pinoy dito sa US kundi pati Mexicans. Si Pacman ang sinusuportahan ng Mexicans kahit kababayan nilang Mexican ang makakalaban ng Pinoy champ.

Isang Mexican na naman — si Oscar dela Hoya, ang makakalaban ni Pacman sa Dec. 6 sa Las Vegas. Marami sa Mexican ang naniniwala na matatalo ni Pacman si Dela Hoya. Si Dela Hoya ay humawak na ng napakaraming world titles sa iba’t ibang weight divisions.

Katulad ng mga dating laban ni Pacman sa Las Vegas, palagay ko, marami na naman ang manonood sa pay-per-view TV. Marami na naman ang mga nangu­ngumbida sa kanilang mga bahay upang mapanood ang laban. Parang picnic ang mangyayari dahil potluck ang napagkakasunduan. Maraming magdadala at magha­handa ng mga Pilipino food dahil ito ang pakiusap ng mga hindi Pinoy. Ganado naman ang mga Pinoy na pag­bigyan ang request sapagkat isa ito sa paraan para ma-promote at maipagmalaki sa ibang lahi ang sarap ng pagkaing Pinoy. Kasama sa mga nire-request na pagkain ay adobo at pancit.

Sa Sabado isa na namang kapana-panabik na tagpo ang ipamamalas ni Pacman sa mundo at iyan ay ang husay ng Pilipino. Naniniwala ako, mas malakas ngayon ang dasal ng mga Pinoy na magtagumpay si Pacman kay Dela Hoya.

Show comments