Mahigit 1,600 batang atleta na may edad na 12 years old and below ang lumahok sa kauna-unahang Mindanao Children’s Games (MCG), may dalawang linggo na ang nakaraan na ginanap dito sa Davao City.
Napakagandang tingnan ang pagkakaintindihan at pagkakaisa ng mga batang atleta habang sila’y naglalaro ng basketball, volleyball, football, table tennis, taekwondo, chess at baseball dito sa University of Mindanao-Matina campus.
Isang proyekto ng Philippine Sports Commission ang MCG, na naglalayon na ipunin ang mga batang atleta sa iba’t ibang panig ng Mindanao, lalo na iyong mga bahagi ng isla na kung tawagin ay conflict-affected areas. May mga batang nanggaling pa ng Lanao del Norte, North Cotabato, Zamboanga, General Santos City, Cagayan de Oro City at iba pang bayan sa katimugan.
Karamihan sa mga sumali sa naganap na MCG ay mga batang kung ituring nga ay mga ‘batang bakwit’ kasi may ilang buwan na rin silang nanirahan sa mga evacuation centers sa Central Mindanao dahil nga sa patuloy na giyera ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng sandatahang lakas ng Pilipinas.
Kung tutuusin pinagbuklod nga ng MCG ang mga batang Kristiyano, Muslim at Lumad sa ilang araw na palaro dito sa Davao City.
At maliban pa sa pagkakataon na makahanap ng magagaling na mga atleta sa mga kanayunan sa Mindanao, ang MCG ay talagang isang magandang ‘vehicle for peace’ sa katimugan.
Talagang pinaghirapan ng mga opisyales ng PSC, sa pangunguna ni Chairman William “Butch” Ramirez at ni commissioner Akiko Thomson, na magkaroon ng isang palaro gaya ng MCG. At kung timing ang pag-usapan, talagang napapanahon ang pagdaos ng MCG noong November 14-17.
Naganap ang MCG sa kalagitnaan ng giyera laban sa mga rebeldeng MILF na kung saan napakalaki na ng gastos ng pamahalaan natin para sa bala na gagamitin sa mga kapwa rin nating Pilipino.
Humihingi ang Department of Defense ng panibagong budget para pambili ng kakailanganin sa giyera laban sa MILF at maging sa Abu Sayyaf at sa New People’s Army.
Siguro naman, dapat ding pagtuunan ng pansin ng pamahalaan na ang problema sa Mindanao ay hindi nalulutas sa pamamagitan ng giyera militar lamang. Ito ay nangangailangan ng mas malawak na solusyon at isa na doon ang mga palaro gaya ng Mindanao Children’s Games.
Napatunayan ng Mindanao Children’s Games na kaya ng bola ang hindi magawa ng bala sa pagnanais na makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
Sana ipagpatuloy ang nasabing palaro at nang maisip ng mga batang atleta na hindi nila kailangang magbakbakan, na walang saysay ang giyera at ang kapayapaan ay nasa kanilang mga kamay lang.
Oo, mga kamay na ang hawak ay bola at hindi bala!