NANINIWALA na ako na “untouchable” talaga ang gambling lord na si Toto Lacson na nakabase sa Makati City dahil hanggang ngayon, tuloy pa rin ang illegal niyang negosyo. Hindi kumikilos si PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa, NCRPO chief Dir. Jefferson Soriano at Makati City police chief Sr. Supt. Gilbert Cruz para sawatain ang lotteng, ball-alai, PBA ending, at iba pang sugal ni Lacson. Isama ko na si DILG Sec, Ronaldo Puno at GAB chairman Eric Buhain na may mga mandate sa illegal na sugal subalit tahimik pagdating kay Lacson.
Kaya habang patuloy ang operation ng pasugalan ni Lacson, pinagtatawanan ng sambayanan si Verzosa dahil lampa ang liderato niya. Ang gambling lord na si Lacson pa lang eh hindi na kayang lutasin ni Verzosa ito pa kayang kaso ng mga euro generals?
Walang binatbat si Verzosa pagdating ke Lacson!
Para sa kaalaman ng operating units ng DILG, PNP, GAB at NBI, ang opisina ni Lacson ay matatagpuan sa Gen. Lucban St., Bgy. Bangkal. Pagdating n’yo sa paanan ng tulay sa Eva ngelista St. mga Sirs, kumanan kayo at paglampas sa isang malaking building, ‘yon na ang headquarters ni Lacson. Ilang beses na ring na-raid ang naturang lugar subalit mukhang nakaligtaan na ng mga pulis matapos mabahaginan ng konting lingguhang pitsa. Kung inutil ang DILG, PNP, NCRPO, NBI at GAB sa pasugalan ni Lacson, si Makati City Mayor Jejomar Binay kaya me bayag para puksain ito? Meron, di ba mga suki? Iutos lang ni Mayor Binay sa consultant niya na si Boy Reyes, tiyak tatrabahuhin niya ito.
Kung sabagay me katwirang magyabang si Lacson na “untouchable” siya dahil protektado siya ng bagman ni Soriano na si Supt. Val de Leon. Kaya kapag nakipag-coordinate ang mga police raiders sa NCRPO sa pakay nilang ma-raid si Lacson, tiyak pipigilan sila ni Col. De Leon sabay banggit ng pangalan ni Soriano, di ba mga suki?
Mula nang ibulgar ko ang pasugalan ni Lacson, inulan ako ng text messages galing sa nagpapakilalang Toto Lacson at nag-iimbita ng isang meeting kahit saang lugar ko gusto. Marami rin sa mga kasamahan ko sa hanapbuhay ang gumigitna para ke Lacson dahil napakabait daw na tao ito. Ang paalala ko lang mga suki, itong tirada ko kay Lacson ay walang halong personalan, Medyo natanto ko lang na binibira na ang lahat ng pasugalan sa SPD area subalit palaging hindi binabanggit ang pangalan niya. Talagang magaling makisama si Lacson sa mga kasamahan ko sa hanapbuhay.
Subalit naniniwala rin ako na malapit na ring magkaroon ng katapusan ang pagiging “untouchable’ ni Lacson. Abangan!