HUMAHAGIBIS na parang mga single motorcycle, paekis-ekis na parang bisikletang nag-eeksibisyon sa kalsada at ang kanilang ruta, biyaheng langit!
Eto ang mga rumaratsadang bus sa mga kalsada sa Metro Manila. Naglalakihang pampasaherong sasak- yan na oras magmintis ang manibela at preno, patay kang bata ka.
Kung ikaw ang sakay ng mga bus na ito, direkso ka kay Kamatayan.
Ngayong taon na ito, marami-rami ang napabalitang salpukan, at pagtaob kung saan mga pampasaherong bus ang bida. Ang siste, ilan sa mga pasahero nito ay sugatan at kapag minalas-malas pa, binabawian na ng buhay.
Nakakaalarma ang sunud-sunod na aksidenteng tulad nito dahil maraming normal na tao ang nasisira ang buhay dahil sa disgrasyang hindi naman nila ginusto at hindi nila kasalanan.
Ang tanong sa kabila ng mga aksidenteng ito, bakit paulit-ulit ang mga disgrasyang mga walang ingat na drayber ng bus ang dahilan.
Ang sabi ng ilan, may batas daw na sinusunod ang mga kompanya ng bus na kapag nakadisgrasya ay tuluyan na nang makatipid sa gastos.
O di naman kaya ay lingid sa kaalaman (o kung alam man ay nagmaang-maangan) ng mga otoridad na ang estilo lamang ng mga walanghiyang kompanya ng bus na ito ay magpalit ng pangalan.
Kung meron na silang record dahil sa nakaraang aksidenteng kinasangkutan ng kanilang kompanya, at kinan sela ng Land Transportation and Franchising Board ang kanilang prangkisa, magpapalit lamang sila ng pangalan.
Oo nga naman, bagong pangalan, new image at dahil dito, puwede na ulit mag-operate at makapa-masada ang mga gunggong.
Kahapon sa aking programang BITAG Live sa UNTIV, maraming texters ang nagbigay ng kanilang mga kuro-kuro.
May nag-text na malakas lamang daw ang loob ng mga hinayupak na drayber ng bus na maghari-harian sa daan kapag gabi na dahil tulog na ang mga traffic enforcers sa ganoong oras.
Kung meron naman daw gising ay mga ‘‘kotong boys’’ na lamang kaya tuloy pa rin ang bisyo ng pagratsada.
May nag-suggest naman, bakit hindi na la-mang daw i-calibrate ang mga bus upang maging 80kph na ang maximum speed limit ng mga ito.
Iba-iba man ang opinyon at suhestiyon, ang aming misyon sa BITAG, tuldukan ang nakamamatay na nakasanayang trip na ito ng mga drayber ng bus.
Subalit nasa kaukulang ahensiya pa rin ng ating pamahalaan nakasalalay ang tunay na aksyon para matapos na ang pagrampa sa kalsada ng mga bus ni Kamatayan!