“ANO bang klaseng sumpa ito at hindi na natin mabilang ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa mga anomalya?”
Iyan ang naibulalas sa akin ng barbero kong si Mang Gustin kaugnay ng pinag-uusapang kaso ngayon laban sa isang retiradong opisyal ng PNP na nahulihan ng malaking halaga sa Moscow kamakailan.
Ang pabuskang tawag dito ngayo’y Fiasco in Moscow. Ang masakit, ang tawag sa retiradong heneral na dawit dito ay “Euro General.” Korek si Gustin. Taun-taon na lang ay may nagsusulputang anomalya na kinasasangkutan ng mga dapat mamuno sa bansa.
Dahil diyan, nahahanay tuloy ang Pilipinas sa mga bansang “most corrupt” at mahalay na imahe ito sa lahat ng mga Pilipino.
In fairness kay retired PNP police director Eliseo dela Paz na kontrobersyal ngayon dahil pinigil ng mga immigration authorities sa Moscow sa pagdadala ng 103 libong Euros na katumbas ng halos P7 milyon, ibig natin siyang bigyan ng benefit of the doubt bago hatulang nagkasala.
Maganda ang previous record ni dela Paz. Sabi nga ng mga nakakakilala sa kanya, ordinaryong kotse lamang ang minamaneho niya at simple lang ang kanyang buhay hanggang sa panahon ng kanyang pagreretiro. Pero sa nangyaring kontrobersya sa dinaluhang 77th International Police Assembly sa Moscow ng delegasyon ng Pilipinas sa kanyang pamumuno, maraming paglilinaw ang dapat gawin ni dela Paz.
Pagdating niya sa NAIA kamakalawa, nag-sorry si dela Paz sa pangyayari pero iginiit na “contingency fund” ang bitbit niyang pera at wala siyang ginawang ilegal. Well, ito’y bagay na kikilatisin pa ng mga auditors ng pamahalaan na mag-sisiyasat sa kaso.
Kung “contingency fund” ang bitbit na pera ni dela Paz, iginigiit naman ni Sen. Ping Lacson na dating opisyal ng PNP na ang mga opisyal ng pulisya ay hindi binibigyan ng contingency funds. At komo Senador si Lacson, kapani-paniwala ang sinabi niya na walang sangay ng pamahalaan maliban sa Office of the President ang pinaglaanan ng contingency funds sa ilalim ng pambansang badyet.
Sa tingin ko, ang isang kuwestyon na nagdidiin kay dela Paz ay kung bakit karay-karay niya ang kanyang asawa sa naturang official trip. Kung naging maganda ang record ni dela Paz sa panahon ng kanyang panunungkulan sa pulisya, nakapanghihinayang na ang lahat ng ito’y tila nawasak dahil sa iisang pangyayaring usap-usapan ngayon.
Nagtataka lang ako dahil bilang isang abogado, dapat kabisado ni dela Paz ang peligro ng pagbibitbit ng ganyan kalaking halaga sa labas ng bansa. Kahit ang mga karaniwang biyahero ay alam ang regulasyong iyan na bawal magdala ng higit sa $10 libo sa mga international trips.
Anyway, may anomalya mang nangyari o wala, lumabas na namang kahiya-hiya sa mata ng daigdig ang Pilipinas.