TAPOS na ang debate nina US presidentiables John McCain at Barack Obama. Pinanood ko ang kanilang balitaktakan sa TV noong Miyerkules.
Bilang dating advertising at propaganda practitioner na humawak din ng mga kumandidato sa pulitika, napansin ko na magaling ang mga humahawak sa kampanya ni Obama. Pinag-aralan nang husto ang pagsagut-sagot. Napansin kong may confidence at sigurado kung sumagot si Obama. Pati pagtingin at pagporma sa harap ng camera ay pinag-aralan. Magaling din ang media strategy at takbo ng pangangampanya ni Obama.
Ayon sa poll survey, panalo pa rin si Obama kay McCain sa huling debate na katulad din ng nangyari sa una at pangalawang debate. Nakalamang si Obama sa lahat ng paksang itinanong. Mukhang bumuwelta kay McCain ang mga binitawan niyang paninira kay Obama.
Pero meron din naman na hindi nagustuhan ang performance ni Obama sa huling debate. Mukha raw itong parang mayabang at bolero. Hindi rin daw ito sincere sa mga sinasabi. Si McCain daw ay mahinahon at tapat sa sinasabi. Nakikita raw sa mukha at kilos ni McCain na mapagkakatiwalaan at angkop na maging presidente ng US.
Labimpitong araw na lamang at huhusgahan na sina McCain at Obama. Hindi lamang sa mga Amerikano mahalaga kung sino ang magiging susunod na president kundi sa iba pang bansa lalo’t bagsak ang ekonomiya ng US ngayon.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang naaapektuhan ng nangyayaring financial crisis sa US. Kaya dalangin ko, ang manalo sanang US president ay ‘yung may sapat na kakayahan at talino para malutas ang mabigat na problemang nakasakmal sa kanila ngayon.