^

PSN Opinyon

'Huli ba sa akto, Judge?'

- Tony Calvento -

MINSAN NG NASABI na mas mabuting mapakawalan ang sampu ng “guilty men” keysa magpakulong ng isang taong inosente na walang kasalanan.

Mabigat ang parusa sa kasong pagnanakaw kaya’t bago tayo mag-akusa ng isang tao siguruhin natin na may sapat tayong ebidensya na siya nga ang may gawa.

Isang lalake ang pumunta sa aming tanggapan upang humingi ng tulong sa kasong isinampa laban sa kanya. Siya si Noel M. Cruz, 27 taong gulang at nakatira sa Marikina City. Isa siyang empleyado ng Fitness First sa Robinson’s Metro East.

Mahigit tatlong taon na nagtatrabaho si Noel dun bilang Service Attendant. Masaya siya dun at kasundo niya ang mga katrabaho niya. Hanggang isang araw may nangyari na kahit minsan hindi sumagi sa kanyang isipan.

Ika-27 ng Setyembre, alas-11 ng umaga matapos tumulong si Noel sa paglilinis ng kanilang pantry nakita niyang dumating ang security guard na si Ruel Canama na magdu-duty pa lang. Lumabas siya at nilapitan niya ito dahil may importante silang pag-uusapan.

“Habang papasok siya ng locker room namin kinakausap ko siya tungkol sa lalakarin kong permit para sa isang event nung araw na yun. Yung locker namin kasama ng mga lockers ng guests,” ayon kay Noel.

Tuloy pa din ang pag-uusap nila habang nagbibihis ng uniporme si Ruel. Hanggang nakarinig sila ng ingay sa kabilang bahagi ng locker room.

Nilapitan sila ni Eric Nocon isang fitness instructor na unang nakapansin sa pangyayari. Sinabi nito sa kanila na may nawawalang mga gamit si Judge Alex Quiroz, isa sa mga regular customer nila.

Pinuntahan nila ang sinasabing locker at inabutan nila itong nakabukas habang nagkukwento si Judge Quiroz tungkol sa nangyari.

“Ayon kay Judge Quiroz wala pa siyang sampung minuto sa loob ng shower room paglabas niya nakabukas na yung locker niya. Napansin din daw niya na nawala yung N82 na cell phone niya, 20,000 cash at isang Rolex watch,” kwento ni Noel.

Tinawag ni Judge Quiroz ang kasama niyang si Danilo Go sa loob ng shower room para hiramin ang cell phone nito at tawagan ’yung nawawalang telepono niya pero nakapatay na ito.

Dumami ang mga tao sa locker room. Dumating din si Cris Sapalo ang Membership Manager ng Fitness First at kinausap nito si Judge Quiroz.

Matapos silang mag-usap nagbihis si Judge Quiroz at lumabas papunta sa reception area kasama si Danilo at Cris. Tumawag na din sila ng mga pulis at nireport ang nangyaring nakawan.

Habang nasa labas ang tatlo naiwan sila Noel, Ruel at Danilo sa loob ng locker room na nag-uusap tungkol sa kanilang mga nalalaman.

Makalipas ang ilang minuto lumabas na din sila, ang dalawang empleyado ay dumeretso sa pantry habang sinundan naman ni Danilo ang iba sa reception.

“Bandang alas-12:30 ng tanghali dumating ang unang grupo ng mga pulis para mag-imbestiga at tingnan ang lugar na pinangyarihan. Bago ako mag-break ng ala-1:30 tinatapos ko muna ang lahat ng dapat kong gawin kaya hindi muna ako pumasok dun,” sabi ni Noel.

2:30 ng hapon dumating ang pangalawang grupo ng mga pulis Pasig. Dumeretso sila ng locker room kung saan nandun ang iba pa nilang kasamahan. Kabilang dito sina PO1 Joel Temporal at PO3 Larry Palattao.

Sa puntong ito pumasok na si Noel sa locker room at inalam ang mga nangyayari. Nakita niya na kinukunan ng statement ng mga pulis si Danilo bilang testigo. Ayon sa kanya tanging si Noel lang ang nasa loob ng locker room nung oras na nawala ang mga gamit ni Judge Quiroz.

Ikinagulat ni Noel ang kanyang narinig dahil sa pagkakatanda niya kasama niya si Ruel sa loob ng locker at nakita silang dalawa ni Danilo dun.

“Kinabahan na ako simula nun kasi nararamdaman ko na ako ’yung madidiin. Pinabayaan ko lang si Danilo sa mga sinasabi niya. Napansin ko din ’yung dalawang pulis na lumayo sa amin at nag-uusap ng pabulong,”pahayag ni Noel.

Inutusan si Noel na hanapin si Ruel para makapag-uumpisa na ang pagsisiyasat sa mga lockers ng mga empleyado. Hindi pa niya nakikita si Noel pinabalik siya kaagad at pinatabi siya sa mga pulis.

Alas-4 ng hapon inumpisahan ang paghahanap sa staff room, changing room at sumunod sa locker ng mga members. Sumunod sa mga gamit naman ni Noel at iba pang mga empleyado pero wala silang nakita kahit anong bagay na pagmamay-ari ni Judge Quiroz.            

Nakahinga ng maluwag si Noel at inisip niya na ligtas na siya sa binibintang sa kanya. Lumabas muna siya upang mapahinga at mag-isip isip.

Makalipas ang tatlumpung minuto tinawag siya ni Jay Santos ang kanilang Front of House Manager. Pinaalam kay Noel na gusto siyang imbitahan ng mga pulis sa presinto.

ANO ANG BASEHAN ng pagdidiin kay Noel sa kasong pagnanakaw sa locker ni Judge? May nakakita ba sa kanya na kinuha niya ang mga gamit at pera sa loob ng locker?

Iyan at iba pang kasagutan ang ating malalaman sa SA BIYERNES sa pagpapatuloy ng seryeng ito. Eksklusibo dito lamang sa “CALVENTO FILES sa PSNgayon.” (KINALAP NI GAIL DE GUZMAN)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th Floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.  

* * *

Email address: [email protected]

vuukle comment

DANILO

JUDGE

JUDGE QUIROZ

LOCKER

NIYA

NOEL

ROOM

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with