BAGSAK ang ekonomiya ng United States at damay ang maraming bansa kabilang ang Pilipinas. Marami na raw Pinoy ang walang trabaho sa US at unti-unti nang nagsisibalikan sa Pilipinas. Walang magagawa kundi ang umuwi sa sariling bansa kaysa mamatay ng gutom doon. Nakadagdag sa pangamba ang sinabi ng International Monetary Fund kamakailan na malapit nang bumagsak ang financial system ng mundo kaya nararapat nang magkaisa ang financial leaders at pakalmahin ang mga investor.
Ang nangyayaring financial crisis sa US ay mas matindi pa kaysa nangyaring krisis sa Asia noong 1997. Ang nangyayaring krisis ngayon ay damay ang maraming bansa sa mundo at hindi katulad noong 1997 na mga bansa lamang sa Asia ang problemado. Ngayo’y iritado na rin ang Australia at Britain sa nangyayaring krisis.
Ang sumagip sa Pilipinas makaraang tamaan ng financial crisis noong 1997 ay ang overseas Filipino workers (OFWs). Sa laki ng kanilang ipinadadalang dollar remittance ay nakabangon ang bansa sa krisis. Kung wala ang mga OFW baka nahirapan ang Pilipinas na makabangon. Kaya naman masyado ang pagkilala ng Ramos Administration sa ginawa ng mga OFW na pagsagip sa naghihingalong ekonomiya noong 1997. Si Ramos ang presidente nang tamaan ng financial crisis ang bansa.
Ngayong bumabagsak ang global economy, ang mga OFW naman ang labis na tatamaan. Sa Hong Kong at Singapore ay nararamdaman na ng Pinay domestic helpers ang krisis sa ekonomiya. Marami na sa kanila ang natatakot na mapauwi ng kanilang employers dahil wala nang ipangsusuweldo sa kanila. Marami umano sa mga employer ng DHs ang nawalan ng trabaho dahil sa pagbagsak ng ekonomiya ng US. Apektado ang mga employer na may mga stocks. At kung wala nang trabaho ang employers ng Pinay DHs ano pa ang ipasusuweldo sa kanila. Walang paraan kundi ang pauwiin sila.
Ang katanungan ay nakahanda ba ang Pilipinas sa pauuwiing OFWs. May mga plano na ba silang nakahanda o wala pa at ang tanging sinasabi ay “bahala na”. Alalahanin ng gobyerno na malaki ang pakinabang nila sa OFWs kaya dapat na sila ang unahing bigyan ng trabaho. Kung mawawalan ng trabaho ang OFWs paano na ang Pilipinas. Tuluyan nang babagsak? Suporta ang kailangan nila sa kasalukuyan.