NGAYONG may krisis pinansiyal na tila kumakalat na sa buong mundo, ang kapansin-pansin ay ang pagkilos ng kani-kanilang mga gobyerno para salbahin ang kanilang ekonomiya, sa pamamagitan ng pagpa luwal o pagpapautang ng gobyerno sa mga negosyo, banko at institusyong pinansiyal, para mapagpatuloy ang negosyo at makahanap ng solusyon para makabangon muli. Sa madaling salita, parang tinatapunan ng salbabida ang mga kompanya, at kapag ligtas na, ibabalik na lang ang salbabida. Sa bansa natin, iba ang estilo ng gobyerno. Gustong magpataw ng mga bagong buwis sa mamamayan, pilitang binubuwisan ang mga kompanya, para raw may pera ang gobyerno na pang salba sa bansa! Kung gagamitin natin ang halimbawa ng salbabida, habang nalulunod ka, hihingan ka ng gobyerno ng pera, para makabili sila ng salbabida na ibabato sa iyo. Pero nandun ang posibilidad na kung mabigay mo nga ang perang pambili, baka ibulsa na lang para makabili ng bagong sasakyan, bagong bahay, magagandang alahas at gamit, makakain sa mahal na lugar, makabiyahe sa iba’t ibang bahagi ng mundo, o ibigay sa mga kerida!
Pero kung iyon lang talaga ang maisip ng pamahalaan, sa sarili nilang mga grupo at ahensiya dapat sila maghanap ng pera. Ibinunyag ng Congressional Planning and Budget Office(CPBO) ang kapasyahan ng Commission on Audit(COA) na higit P18.6 bilyong withholding tax ang hindi pa nire-remit ng ibat’t ibang ahensiya ng gobyerno noong 2007! Mga grupo katulad ng mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCC), mga ahensiya katulad ng DPWH, Department of Education at Department of Agriculture at mga Local Government Units(LGU). At nasaan na na man ang mga perang ito? Bagong scam ba na naman ito, na patong-patong nang nasisiwalat sa adminis trasyong ito? Sa tingin ko nga, kung pagsasama-samahin ang halaga ng lahat ng anomalya na nadiskubre sa administrasyong Arroyo, eh baka tayo na ang nag-bailout sa US, at masasagot pa natin ang sarili nating problemang pinansiyal! Napaka-laki na ng halaga ng perang hindi na mapaliwanag ng gobyerno kung saan napunta, sa iba’t ibang mga “proyekto”! At ngayon, mga anomalya sa budget katulad nitong non-remittance at ang double insertion ni Senador Villar ang mga lumilitaw! Saan-saan pa ba kumakabig ang mga tauhan ni GMA sa pera ng bayan?
Dapat regaluhan ng mga salamin ang lahat ng tauhan ni President Arro yo, para makita nila kung sino ang dapat hanapan ng perang pansalba sa bansa sa parating na krisis.
Lagi na lang ang mamamayan ang sumasagot! Mga buwis katulad ng VAT, mga panukalang buwis sa sigarilyo, alak at text, mga matataas na presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain. Talagang kay Juan de la Cruz nakapasan ang krus, habang mga opisyal natin sa gobyerno ay napakasarap ng buhay. LAHAT ng opisyal!