EDITORYAL - Sino pang maimpluwensiya ang susunod na lalaya?
HINDI mapigilan ang maraming katanungan kasunod ng pagkakalaya ni convicted murderer Claudio Teehankee Jr. Hindi rin naman mawala ang pag-usbong ng agam-agam na masusundan pa ang pagbibigay ng executive clemency sa mga maiimpluwensiyang bilanggo kagaya ni Teehankee Jr. Sa 2010 pa matatapos ang termino ni President Arroyo at mahaba-haba pa ang panahon para makapagbigay ng pardon. Marami pang maiimpluwensiyang bilanggo sa National Bilibid Prisons na ayon sa Department of Justice ay may petisyon na rin para sa executive clemency.
Karapatan ng Presidente na magkaloob ng kapatawaran sa mga bilanggo lalo pa kung matanda na at nakaabot na sa takdang taon ang pinagsilbi sa bilangguan pero sa pagbibigay niya ng clemency kay Teehankee, lubhang maraming kontrobersiya at alingasngas. Sumingaw na lamang na lalaya na si Teehankee at halatang inilihim sa media. Ano ang dapat itago rito kung legal naman ang paraan ng pagbibigay ng kapatawaran? Bakit kailangang ilihim ang paglabas ng convicted murderer. At ang matindi pa, ayon sa mga naulila ni Maureen Hultman, hindi sila naabisuhan ng Deparment of Justice sa gagawing pagpapalaya kay Teehankee. Binaril ni Teehankee ang 16-anyos na si Maureen noong 1991. Bukod kay Maureen, napatay din ni Teehankee ang kaibigan nitong lalaki na si Roland Chapman at malubhang nasugatan ang isa pang lalaking kaibigan.
Pero ang sagot ng DOJ sa naghihinakit na Hultman family, kinunsulta raw ang mga ito sa paglaya ni Teehankee. Baka raw may amnesia na ang pamilyang Hultman at hindi na maalala. Alam daw ng Hultmans na nag-apply ng presidential pardon si Teehankee.
Hindi na mababawi ang kautusan ng Presidente sa pagpapalaya kay Teehankee. Wala nang magagawa ang Hultmans maging ang iba pang bumabatikos. Ang maaari na lamang gawin ngayon ay ang pagbabantay sa mga gagawin pang pagbibigay ng presidential pardon sa maiimpluwensiya pang bilanggo at isa na rito si Rolito Go na pumatay sa estudyanteng si Eldon Maguan dahil sa away-trapiko. May petisyon na umano si Go para mabigyan ng pardon.
Ang hustisya ay para sa lahat pero sa nangyayari sa kasalukuyan, tila ang hustisya ay nakakiling sa mga maiimpluwensiya at maykaya. Paano naman ang mga walang lakas?
- Latest
- Trending