Salamat sa Diyos

Noong nakaraang araw ng M’yerkules

70 years old na si Dadong Matinik;

Ang Oktubre 8 sa tuwing sasapit

ay kaarawan ko na utang sa langit!

Ito’y utang ko rin sa mga magulang

na sa mundong ito’y aking namulatan;

Dahil sa kanila aking nasilayan

ang magandang anyo nitong daigdigan!

Saka utang ko rin sa mga kapatid

na naging kasama noong ako’y paslit;

Lima sa kanila ay unang nabulid

upang kaipala buhay ko’y lumawig!

Ito’y utang pa rin sa magandang mutya

na sa paaralan ay isang diwata;

Sa maraming tao’y kapartner ko siya

kaya hanggang ngayon ako ay buhay pa!

May apat na supling na aking nalilok

sa tulong ng ating mabait na Diyos;

Sila’y mga supling na tapat ang loob

kaya naka-survive sa mga pagsubok!

Panganay kong anak naging negosyante

kaya buhay namin ay naging mabuti;

Ang tatlo pang anak kanya-kanyang swerte

may pitong apo nang ngayon ay balwarte!

Salamat sa Diyos at nakamit ko pa

ang maraming bonus sa buhay kong aba;

Ang maganda nito katawa’y maganda

walang dinaramdam kahit na rayuma!

Saka ang puso ko ay palaging normal

at ang aking diwa ay buhay na buhay;

Katunayan nito tulang binabanghay

ay mula sa diwa at sa pusong lantay!

Saka salamat din sa P. Star NGAYON

sa management nito at mga editor;

Ako ay nabigyan nang malaking hamong –

magsulat ng tula sa bayan at nayon!

Sana’y marami pang taon ang dumating

na palaging normal ang diwa’t damdamin;

At doon sa langit kung ako’y tawagin —–

sa harap ng Diyos ay tutula pa rin!

Show comments