EDITORYAL- Mabagal umusad sa global competitiveness
NOONG 2005, ika-73 ang Pilipinas sa Global Competitiveness Ranking. Masama ang puwesto noong 2006 sapagkat lumayo at bumagsak sa ika-75. Noong nakaraang taon, naging ika-71 at ngayong 2008 ay napanatili ang ganoong puwesto. Ang nagsagawa ng ranking ay ang World Economic Forum’s 2008 at 2009 Global Competitiveness Report. Nasa 134 na mga bansa ang sinailalim sa pagsusuri at ibinase ang ranking sa iba’t ibang indicators kagaya ng institution, infrastructure, macroeconomic stability, health and primary education, higher education and training at marami pang iba.
Mabagal ang pag-usad ng Pilipinas sa global competitivess. Nakapagtatakang malapit na malapit ang puwesto ng Pilipinas sa Vietnam na nasa ika-70 puwesto. Isipin pang ang Vietnam ay masyadong napinsala ng giyera. Mga ilang taon pa marahil at ganap nang malalampasan ng Vietnam ang Pili pinas. Masyadong mabilis ang ilang bansa sa Southeast Asia na dating pinaghaharian ng Pilipinas. Mahusay kasi ang pamamaraang ginagawa ng mga namumuno kaya naman nakaaabante at nakahahataw sa pag-unlad ng ekonomiya.
Pangunahing hadlang sa pagkakaroon nang magandang Global Competitiveness ay ang kawalan ng efficiency sa labor markets. Sumunod na dahilan ay paggastos sa public fund na hindi naman halos napakikinabangan. Itinuturo ring dahilan ay ang paggastos sa pondo ng bayan na maituturing na malaking pag-aaksaya. At ang panghuli na sinabing pinakamabigat ay ang hindi masugpu-sugpong katiwalian. Isang dahilan din kaya hindi makaagapay ang Pilipinas sa global competitiveness ay dahil sa mga nangyayaring kaguluhan sa Mindanao kung saan nagbabanta ang terorismo. Natatakot ang mga investors na maglagak sila ng pera sa bansa at baka bigla na namang magkagulo!
Hindi matitinag ang bansa sa kasalukuyang puwesto sa Global Competitiveness sapagkat walang kaseryosohan ang gobyeno kung paano madudurog ang mga sagabal. Lagi na lamang lalampasan ang Pilipinas ng mga katabing bansa. Kaawa-awa kung bababa pang lalo ang ranking ng Pilipinas.
Dapat makita ang puno’t dulo ng kung bakit walang interes ang gobyernmo na mabago ang lumang sistema.
- Latest
- Trending














