EDITORYAL - Dagdagan ng pondo ang National Dairy Authority
KUNG palalawakin lang ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang imahinasyon (o kung mag-iisip lamang sila), hindi naman dapat mag-import pa ng gatas ang Pilipinas. Para gatas lang e kailangan pang kunin sa ibang bansa — New Zealand, Australia at sa China gayung maaari namang mag-produce nito rito. At tingnan ang resulta ng pag-import ng gatas sa China, hinaluan pala ng melamine at ngayon ay nagdudulot ng katakut-takot na problema. Dalawang brand ng gatas mula China ang positibo sa melamine.
Alam kaya ng DA na kung sisikapin lamang nilang pondohan nang malaki ang National Dairy Authority ay hindi na kailangang umangat pa. Kung popondo-han nila ang National Dairy Authority, mabibigyan nito ng suporta ang mga local na dairy farmers. Sa ngayon, kapiranggot lamang umano ang pondong ina-allocate at wala pang gaanong suporta ang DA sa National Dairy Authority kaya naman walang maibigay na tulong sa mga local na dairy farmers o manggagatas.
Maraming local na manggagatas ang hindi mapalakas ang kanilang negosyo dahil wala silang gaanong kapital para maipambili ng mga mahuhusay na breed ng baka para mapalahian. Karaniwang binibili ang mga mahuhusay na breed ng baka sa New Zealand at Australia. Nagkakahalaga umano ng P116,000 ang bawat isang baka. Ang ipinakakaing damo sa mga bakang imported ay iniimport din naman sa Thailand. Wala pa umanong taniman nang mahusay na damo para sa mga bakang gatasan.
Kung palalawakin ng DA ang kanilang imahinasyon o kung mag-iisip nang mahusay, maaari namang magparami ng mga bakang kahalintulad ng mga inimport sa New Zealand. Nasa tamang pag-aalaga lamang ang mga iyan. Dapat din bang bumili ng damo sa Thailand ang Pilipinas para maipakain sa mga baka gayung napakalawak ng lupain dito. Gaano karaming dollars ang lumalabas sa bansa sa pagbili ng mga imported na baka gayung maaari namang mag-produce niyan locally.
Maraming isyung kinasasangkutan ang DA sa kasalukuyan kaya hindi mabigyan ng pansin ang produktong gatas ng mga local dairy farmers. Ngayong sumingaw ang mabagsik na melamine, sana naman ay maging malawak na ang isipan ng mga taga-Agriculture department para masuportahan ang mga local na dairy farmers sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo.
- Latest
- Trending