Gen. Verzosa, sibakin mo si PO2 Alfie Madrid!
HINDI umubra ang pagbabalatkayo ni PO2 Alfie Madrid, miyembro ng Regional Special Action Unit ng National Capital Region Police Office (RSAU-NCRPO). Ayon sa mga nakausap kong pulis sa Pag-asa Substation, nagkunwaring nag-uusyuso si Madrid sa police station hinggil sa pamamaril kay Insp. William Pelicano, Logistic chief ng Las Piñas City Police at asawang Babylyn sa Marcos Alvarez St., Molino 3 noong Biyernes, 8:30 ng gabi nang mamukhaan siya ni Babylyn kaya kalaboso siya. Buti nga!
Todo tanggi si Madrid subalit ipinagdiinan ni Babylyn na siya (Madrid) ang bumaba sa passenger side ng Hi-jet van (GRE-189) habang nagtatalo ang driver na si Hermogenes Gagan at Insp. Pelicano. Ayon kay Babylyn agad umanong binaril ni Madrid ang kanyang asawa ng dalawang beses. Niyakap umano niya ang napahandusay na asawa. Sa kabila umano ng kanyang pakiusap na huwag nang barilin ang kanyang asawa pinagbabaril pa ito ni Madrid. Nadaplisan si Babylyn sa braso. Agad tumakas si Madrid.
Binuhat ng mga tao si Insp. Pelicano at isinugod sa Molino Doctors Hospital subalit namatay din.
Nagpalit pa ng damit si Madrid pero hindi siya nakalusot kay Babylyn nang magkita sa police station. Tuso man daw ang matsing ay napaglalanganan din. He-he-he! Malas mo Madrid dahil hindi nalimutan ni Babylyn ang mukha mo!
Nag-ugat ang pagpatay kay Pelicano nang banggain ang sinasakyang jeepney ng mag-asawa nang sinasakyang van nina Madrid at Gagan sa bandang hulihan. Bumaba si Pelicano upang komprontahin ang driver subalit lasing sina Madrid at Gagan. Nauwi sa mainitang pagtatalo. At binaril ni Madrid si Pelicano na naka-full uniform pa dahil kagagaling lamang sa kanyang duty.
Mantakin n’yo mga suki! Opisyal ng PNP si Pelicano subalit nagdi-jeep lamang pauwi hindi tulad ng ibang pulis na pawang mga modelo ang mga sasakyan at may mga bodyguard. Ilan pa kayang pulis ang katulad ni Pelicano na namuhay ng tapat sa kanyang tungkulin.
PNP chief Jesus Verzosa sibakin mo si Madrid. Huwag mong hayaang dumami pa ang katulad niya. Siya ang sisira sa PNP.
- Latest
- Trending