Health Reasons daw
ILANG opisyal sa gobyerno ang nagbigay na ng ganitong dahilan, para maagang bumitaw sa kani-kanilang mga tungkulin. Pinakabago rito ay si Supreme Court Justice Alicia Martinez, labinlimang buwan bago ang kanyang opisyal na takdang pagreretiro. Si Martinez ay kilalang miyembro ng mataas na hukuman na independiente mag-isip at magdesisyon, lalo na sa mga sensitibong isyu katulad ng kaso ni Romulo Neri ukol sa Executive Privilege. Hindi siya sumang-ayon sa petisyon ni Neri. Bumoto rin siya pabor sa pagpapadinig ng kontrobersiyang pag-uusap nina President Arroyo at Virgilio Garcillano. Ilan lang iyan sa kanyang mga desisyon. Kaya mawawala na ang isang independiyenteng mag-isip sa pinakamataas na hukuman sa bansa. Sayang.
Kelan lang ay bumitaw din sa tungkulin si Cyril Del Callar bilang hepe ng Napocor. Ganun din ang dahilan. Pati si Peter Abaya na hepe ng Alternative Fuels. Dati, ang hepe naman ng SSS na si Corazon de la Paz, na pinalitan ni Romulo Neri, ganun din. Mga ilang buwang nakaraan, ang hepe ng Civil Service Commission na si Karina David bumitaw din sa tungkulin, ganun din ang dahilan. At ganun din ang dahilan ng isang opisyal ng Marina, sa kasagsagan ng imbistigasyon sa trahedyang MV Princess of the Stars. Ganun ba talaga kapag nagtatrabaho sa ilalim ng administrasyong Arroyo, masama sa kalusugan?
Pero meron diyan, na may sakit na, at nagpa- opera na nga, pero nandiyan pa rin at naninilbihan para sa Pangulong Arroyo. Isa na si DOJ Sec. Raul Gonzales. Akala ng lahat ay magreretiro na nang magpa-transplant ng bato. Pero nandyan pa rin, matalas pa rin ang pag-iisip at dila. Marami naman diyan ay gustong-gusto na ng bayan na bumitaw na, pero matindi pa sa pugita ang kapit sa kapangyarihan, may sakit man o wala!
Mukhang isa-isa na ang nawawala sa opisyal na pamilya ni President Arroyo. At tanging sila lang ang nakakaalam ng mga tunay na dahilan ng kanilang maaagang pagbibitiw. Sila ba’y mga daga na nilalayasan ang lumulubog na barko, o sila ba ay iyong mga hindi na susunod, o hindi na kayang sumunod sa mga utos at pasya ng Pangulo? Sino naman kaya ang susunod na magkakasakit? Sigurado ako na may mga iba pang susunod na magbibigay ng “health reasons” na pahayag!
- Latest
- Trending