Sec. Yap handang magpa-imbestiga
KAWAWANG Agriculture Secretary Arthur Yap. Pinipilit ng mga kritiko na itulad siya kay Jocjoc Bolante dahil sa sinasabing katiwalian sa implementasyon ng rice sufficiency program ng administrasyon. In fairness to Sec. Yap, tiniyak niyang hahalukayin ang usaping ito hanggang sumulpot ang buong katotohanan.
Welcome na welcome din kay Sec. Yap ang kahiwalay na probe na gagawin ng Kongreso at Ombudsman sa isyung ito at aniya’y handa siyang makipagtulungan. Hindi lang makikipagtulungan kundi magpapasiyasat kung kinakailangan.
Sana’y malapatan ng mabigat na parusa ang mga dapat managot sa katiwaliang iyan Sec. Yap.
Naniniwala ako na talagang dapat panagutin ang mga may kinalaman sa paglustay ng pondo sa rice sufficiency program.
May mga kritikong ipinipilit na ang mga iregularidad na nadiskubre ng Commission on Audit (COA) sa 2007 report nito ay tulad ng “fertilizer scam” na kinasangkutan ni dating Department of Agriculture (DA) Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante. Baluktot itong pananaw.
Malayo ito sa anomalya ni Jocjoc. Klarong sinabi mismo sa COA report: Ang mga natuklasang iregularidad ay hindi mga aksyong ginawa o plinano sa Central Office ng DA.
Malinaw din sa 2007 COA report na ang mga iregularidad ay nangyari sa local level sa ilalim ng pagpapatupad ng mga municipal agricultural officers (MAOs). Wala nang kontrol ang DA diyan dahil nasa ilalim na ng pangangasiwa ng mga pamahalaang lokal, o ng mga mayors at governors.
Kung meron mang mga empleyado ng DA na maaaring masangkot sa nasabing iregularidad na ito, iyan ay walang iba kundi ang mga empleyado sa mga regional field units (RFUs) ng DA sa iba’t ibang lokalidad na nabanggit sa COA report.
Mismong si Secretary Yap ang nagbigay ng kautusan sa liderato ng DA na agad imbestigahan ang ulat na ito ng COA upang mapanagot ang sinumang responsable sa mga diumano’y katiwaliang ito.
Bumuo na si Yap ng nine-member panel ng mga DA officials at inatasan niya itong tapusin ang kani lang imbestigasyon sa lalong madaling panahon.
Sinabi rin niyang pagkatapos lumabas ng resultang ito, handa na silang humarap sa anumang imbestigasyon.
- Latest
- Trending