HINDI pa man lumalamig ang isyu ng mga ‘‘Special and Privelege’’ car plates, nalalagay na naman sa kontrobersiyal ang Land Transportation Office (LTO).
Ayokong isipin na may pino-proteksyunan ang masipag namang LTO Chief na si Albert Suansing pero basahin n’yo muna ito at unawain.
Isang maituturing na expose ang nailabas na ulat ng Commission On Audit (COA) kamakailan.
Batay sa report, may mga kaso na ang transaksyon ay idinadaan sa manu-mano sa halip na computerized ang mga ito.
Katwiran ng LTO. Hindi raw maiiwasan na magka-roon ng system slowdown gaya ng power failure at computer hanging.
Ito ang naging daan para gawin ng LTO ang tinawag namang ‘‘offline’’ facility bilang lunas sa dumadalas na system failure sa tanggapan.
Napansin ng COA na pinahihintulutan pa rin ng LTO ang pangungulekta ng computer fees mula sa anumang transaksyon na ginawa naman ng manu-mano!
Hindi ito makalulusot sa mapanuri at mabusising BITAG! Malinaw pa sa sikat ng araw na may modus na nangyayari sa bulok na style na ito ng LTO.
Napag-alaman ko batay na rin sa report ng COA na ang kinukolektang computer fees ng LTO kahit pa idinaan sa manu-mano gamit ang off-line facility ng Stradcom ay direktang pumapasok sa isang escrow account nito sa Land Bank of the Philippines.
Dito, hindi maitatanggi ang nangyayaring ‘‘pangu- ngurakot’’ sa LTO.
Ang masaklap pa nito, batay pa rin sa report ng COA na sa kabila ng nabuong arrangement, sumisingil pa rin ang Stradcom sa LTO para sa tinatawag na manually uploaded transactions kahit wala ang tinatawag na ‘‘prooflist.’’
Nakakabuwisit talaga kung babasahin mo ng buo ang COA report sapagkat may mga kaso pa na maging sa pagrerehistro ng sasakyan ay may nangyayaring pareho ang plaka na inilabas para sa iisang behikulo.
Kung sabagay, hindi na magtataka ang BITAG, dahil kami mismo ay naging saksi sa raket na ito ng ilang mga tiwaling tauhan ng LTO.
Ang mga halimbawang ito ang nangangailangan marahil ng congressional investigation dahil lumilitaw na may sabwatan sa pagitan ng LTO at ng Stradcom sa nabunyag na anumalya.