Tularan ng RP ang US kapag may kalamidad

BALEWALA ang mga bagyong nananalasa sa Pilipinas kung ikukumpara sa mga hurricane na tumatama dito sa US. Sunud-sunod ang pagtama ng hurricane dito at malaki ang pinsala.

Ang Hurricane Gustav na tumama sa New Orleans, Louisiana noong Agosto ay grabe ang idinulot na pinsala. Sinundan ito ng Hurricane Ike na grabeng sinalanta ang Galveston at Houston, Texas. Mahigit 120-160 mph ang bilis. Malawak ang lugar ang nasasakop ng Hurricane Ike kaya milyong tao ang naapektuhan. Napakaraming bahay at gusali ang winasak ng Hurricane Ike. Agad na ipinag-utos ng mga awtoridad ang paglikas ng taum­bayan sa Galveston. Subalit may mga namatay pa rin at maraming nasaktan kahit na maagap ang gobyerno rito.

Hanggang ngayon, libong residente ng Galveston at Houston ay hindi pa rin makabalik sa kani-kanilang mga bahay. Ang iba ay wala nang babalikan dahil nagiba na ang kanilang bahay. Wala pa ring kuryente sa lugar. Nagkalat ang mga bubong na nilipad, salamin, mga debri. Maraming matatandang puno ang nabuwal at nakaharang sa daanan.

Nasaksihan ko ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya at organisasyon, gobyerno at pribado. Dahil nga sa walang kuryente, ang napakaraming residente ay pinatuloy muna sa shelter areas at nirarasyunan na lamang ng pagkain. Ang kapansin-pansin ay ang pagha­handang ginawa ng mga lokal opisyal ng Galveston at Houston. Detalyado ang evacuation plan, kinaroroonan ng shelter areas at ang iba pang pangangaila­ngan ng mga residente ay nakahanda. Iniutos ang curfew upang ma­ilayo ang taumbayan sa disgrasya.

Kung ganito kaayos at ka-systematic sa Pili­pinas sa panahon ng bagyo maraming makali­lig­tas. Mas maganda kung tutularan ng mga pinuno ng Pilipinas ang ginagawa ng civic organizations sa New Orleans, Louisiana, Galves­ton at Houston, Texas.

Show comments