Mag-isip bago gumastos
NGAYONG bumababa na ang presyo ng gaso-lina at diesel, hindi ito dapat idahilan para isipin na malaki na ang natitipid at makakagastos nang muli. Kadalasan kasi ay ganito ang nasa isip kapag nagiging mura ang bilihin.
Gaano ba talaga kalaki ang natitipid natin? Gumawa tayo ng halimbawa. Sabihin na natin na ang konsumo mo ng gasolina ay limang litro araw-araw. Sa loob ng isang linggo, 35 litro ang nagagamit mo. Sa apat na linggo, 140 litro ang konsumo mo. Bumaba ang presyo ng P2 kailan lang. Kaya sa loob ng apat na linggo, P280 ang natipid mo. Sa apat na linggo iyon. Sa totoo lang, malaking pera na ba ito para bumili na ng bagong cell phone, o damit, o kumain sa labas isang beses sa isang linggo? O kaya, magpunta na ng Baguio o Tagaytay at kumain doon kasama ang buong pamilya?
Hindi kasi natin kinukuwenta ang mga pang-araw-araw na gastusin, dahil hindi naman sabay-sabay lumalabas ang pera. Ganun din kapag nakakatipid. Hindi rin ganun kalaki ang natitipid mo, para magwaldas na. Hindi ko minamaliit ang pagbaba ng presyo ng langis kailan lang. Mabuti nga ito para sa lahat. Pero hindi tayo binibigyan ng lisensiya para gumastos nang walang saysay na. Madalas ito nangyayari sa atin, at hindi natin namamalayan ay mas malaki na ang nagagastos, imbis na makatipid.
Sa grocery ganun din. Kailangan pag-aralan mabuti ang mga lumalabas na mga “sale”. Kadalasan ay binebenta ng mas mura ang mga bagay kapag bulto ang binibili mo, pero sa katunayan ay hindi mo naman kailangan lahat. Mapipilitan kang bumili nung bulto dahil mukhang mura. Pero baka bago maubos ang laman nung bulto, baka bumaba na rin ang presyo nung bagay. Natatandaan ko nung bago ang mga “price club” na puro imported na bagay ang laman, lahat binibili ang mga Cheese Curls o Cheese Balls na 10 o 15 ang laman! Lahat talaga ng lumalabas sa mga supermarket na iyan ay may bitbit na Cheese Curls! Ilang araw naman kaya nila inubos iyon, at nagsawa. Mas malaki ang nilabas mong pera kaysa kung isa lang ang binili mo. Puwede ka naman bumili ulit pag balik mo. Mga discount card ganun din. Hindi naman gagana ang mga discount card kung hindi ka bibili, kaya mapilitan ka lang bumili para masulit mo lang ang discount card. Madalas mga hotel ang nagbebenta ng mga card na ito. Kung hindi ka naman pala-hotel, gastos lang ito at hindi ka talaga nakatipid. Sa panahon ngayon, kailangan ay mag-isip nang mabuti bago gumastos, lalo’t palapit na ang kapaskuhan.
- Latest
- Trending