KULANG na sa panahon si outgoing Mamang Pulis chief Director Gen. Avelino Razon na maturuan ng tamang pag-uugali ang mga pulis dahil sa Setyembre 27 ay lilisanin na niya ang Philippine National Police (PNP).
Marami na ring pagbabago ang nangyari sa hanay ng PNP mula nang pamunuan ito ni Mamang Pulis Razon. Maraming pulis ang nahubaran ng uniporme at sinibak sa serbisyo at ang ilan nama’y ipinatapon sa malalayong lalawigan upang mapagbago.
Marami rin ang na-down load sa mga himpilan at ang mga pulis na inalis ay ipinuno sa mga presintong kulang sa mga pulis upang makadagdag sa pagpatrulya sa mga lansangan na makapagbibigay ng proteksyon sa mamamayan.
Subalit ang panahon ni Razon ay nakatakda nang matapos kaya itoy isang hamon sa incoming PNP chief na kasalukuyang iginagapang ng kanilang mga handler. Subalit malakas ang ugong na aking nasagap na si Gen. Jesus Verzosa na ang makapupuwesto dahil super ang lakas nito kay Interior Sec. Ronaldo Puno at kay Sen. Ping Lacson.
Di tulad ni Gen. Geary Barias na tanging trabaho lamang ang nag-udyok sa kanya upang malinya sa pagiging PNP chief. Mukhang hindi umubra ang rekomendasyon ng Iglesia ni Cristo at ni Sen. Juan Ponce Enrile, he-he-he! Ika nga’y walang sipsipan este trabaho lang walang personalan kung kumilos si Barias. Di ba mga suki?
Kung kaya kay Verzosa ko na lamang ihahabilin ang kahilingan ng mamamayan na nagnanais na mabago ang doktrina ng mga pulis sa buong bansa. Alisin na sana ang padrino system na pinaiiral sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Karamihan sa mga baguhang pulis sa ngayon ay malalakas ang kapit sa mga pulitiko kung kaya malalakas ang loob nitong humaribas sa katiwalian. Ang ilan pa nga’y anak ng mga kilalang Lords of all lords, he-he-he! Gambling Lords, drug lords, war lords at iba pa. Get n’yo mga suki?
Kung magiging seryoso si Verzosa sa pagbabago ng PNP tiyak na tataas ang moral niya at ng mga pulis. Di ba mga suki! At oras na magiging malamya siya sa pagbabago ng kanyang hanay tiyak na lalayo ang loob ng mamamayan.
Halimbawa na lamang ang walang habas na pamamaril ni PO3 Bernardino Cruz kay Archibald Bernardo kung saan namatay ang batang si Jerwin Toralba.
Nag-ugat umano ang pamamaril ni PO3 Cruz kay Ber nardo nang magkrus ang landas ng dalawa lulan ng kanilang motorsiklo sa Alfonso corner Nepa St., Balut, Tondo dakong alas-9:15 ng umaga.
At dahil sa may bahid pulitika ang pinag-ugatan ng kanilang away ay madaling uminit ang ulo ni Cruz kaya walang habas na pinagbabaril si Bernardo na tinamaan sa balikat.
Sinamang palad naman si Toralba ng tamaan ng ligaw na bala sa ulo habang nagpapalipad ng saranggola. Sa puntong ito maraming kababayan ang nadismaya sa mga pulis. Sa halip na gamitin ni Cruz ang kanyang baril sa paglipol sa mga masasamang-loob na nagkalat sa lansangan ang walang muwang na bata ang nadamay dahil sa kanyang pamamaril. Dapat dito kay Cruz alisin sa serbisyo upang di pamarisan. Ang katulad ni Cruz ay nararapat lamang na ipadala sa Mindanao para sumagupa sa MILF. Di ba mga suki?
Sige General Verzosa Sir, aabangan ko at ng sambayanan ang magiging pagbabago sa iyong liderato.