^

PSN Opinyon

Alaala: Sentido Komon

SAPOL - Jarius Bondoc -

OBITUARY ito sa London Times, alaala sa pagpanaw   ng isang ginoo:

Ipinagluluksa ngayon ang pagkamatay ng minamahal na kaibigang Sentido Komon, na maraming taon nating nakapiling. Walang nakatitiyak sa edad niya dahil malaon nang nabaon sa burokrasya ang tala ng kapanganakan. Magugunita lang na pinausbong niya ang mahahalagang aral: Sumilong mula sa ulan; daig ng masipag ang maagap; hindi laging patas ang buhay; at maaring kasalanan ko.

Namuhay si Sentido Komon sa simpleng patakaran sa pera (huwag gagasta nang labis sa kinikita), at estrate­hiya (nakatatanda, hindi bata, ang masusunod).

Nagsimulang bumagsak ang kanyang katawan nang ilatag ang mga animo’y busilak pero bulok na alitun­tunin. Pinalala pa ng mga ulat: Ang pagsakdal ng sexual harassment sa lalaking anim na taon dahil nanghalik sa kaklase; pagsuspindi sa mga nasa-high school dahil sa pagmumumog matapos kumain; at pagsibak sa guro na pinagsabihan ang estudyante.

Nalugmok si Sentido Komon nang pagalitan ng mga magulang ang mga gurong tumutupad sa hindi nila magawa — pagsaway sa mga bata. Lalo siyang nanghina nang atasan ang mga paaralan na humingi muna ng pahintulot sa magulang bago pahiran ang bata ng sun lotion o painumin ng aspirin; pero bawal abisuhan ang magulang kapag nabuntis ang isang menor-de-edad at nais magpalaglag.

Nawalan ng gana sa buhay si Sentido Komon nang maging negosyo ang altar; nang hindi mo na maipag­tanggol ang sarili mula sa nanghimasok sa iyong tahanan, pero maari ka niyang kasuhan ng pananakit. At ginupo na nga siya nang pagbayarin ang tindahang nagbenta sa babae ng mainit na ta­sang kape na pabaya ni­yang nila­ pag sa hita kaya napaso.

Naunang namatay kay Sentido Komon ang mga magulang na Totoo at Ti­wala, asawang Taimtim, anak na babaeng Matapat at lalaking Matino. Naiwan niya ang apat na kapatid   sa labas, sina Hoy Karapa­tan Ko Iyan, Gusto Ko Nga­yon Din, Sisihin Ang Iba, at Biktima Lang Ako.

Kakaunti ang nakipagli­bing, kasi kakaunti ang nakabatid ng pagyao niya. Kung maalala mo siya, ipa­alam mo sa iba. Kundi man, tularan na lang nakarara­ming walang pakialam.

META

MICROSOFT WORD

MSO

NANG

SENTIDO KOMON

SHY

TIMES NEW ROMAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with