Nakatulog ka ba nang mahimbing Supt. Marieto Valero?
DAMA na ba ninyo mga suki ang lamig ng simoy ng hangin? Karamihan sa atin ay nahihimbing sa pagtulog na kadalasan pa nga tinatanghali sa paggising sa umaga dahil masarap talagang matulog kapag malamig ang kapaligiran, he-he-he! Di ba mga suki!
Ngunit kung minsan, nagdudulot din ito ng hindi magandang resulta sa ating kapaligiran. Katulad na lamang kahapon ng madaling araw nang mabulabog kami sa Manila Police District Press Corps (MPDPC) ng may masagap kaming impormasyon na tinambangan ang sinasakyan ni Batanes Governor Telesforo Castillejos sa kahabaan ng Merville Access Road, Pasay City.
Binabagtas umano nina Castillejos ang naturang madilim na kalsada patungo sa Domestic Airport nang bigla na lamang silang harangin ng isang hindi naplakahang SUV at pinagbabaril. Kaagad na tinamaan ang driver na si Albert Patino at si Castillejos at himala namang hindi nasaktan ang 20 anyos na anak ng governor na si Dominic.
Nang makita ni Dominic na duguan ang kanyang ama at driver, agad niyang minaneho ang sasakyan patungo sa Parañaque Doctor’s Hospital sa Doña Soledad Avenue, Better Living. May angking tapang at tibay ng dibdib ang anak ni governor.
At dala marahil sa malamig nga ang simoy ng hangin sa kapaligiran walang pulis na nakaalam sa pangyayari kaya malayang nakatakas ang mga salarin.
Nasaan kaya ang mga tauhan ni Pasay City Police chief Supt. Marieto Valero ng mga sandaling iyon? Tutulog-tulog din kaya ang mga ito katulad ng kanilang hepe? Kayo na lamang po mga suki ang magtanong kay Valero, he-he-he!
Sa aking pagtatanong sa ilang medical staff, napag-alaman kong tinamaan si Castillejos sa leeg at balikat samantalang ang driver na si Patino ay may dalawang tama ng bala sa pisngi at batok.
Kidlat sa bilis na humahangos si National Capital Region Police Office (NCRPO) Deputy Director Geary Barias sa ospital upang alamin ang kalagayan ng governor at driver. Matapos masigurong ligtas na ang mga ito, tinungo ni Barias ang sasak yan ng governor na nakaparada sa likuran ng hospital at inusisa.
Natapos na ni Barias ang pag-imbestiga sa pangyayari bago pa dumating ang pupungas-pungas na hepe ng Pasay City police na si Valero. Mukhang napasarap ng tulog si Valero kaya ang kanyang mga tauhan na dapat ay nakakalat sa lansa- ngan ay nangatulog din. Get n’yo mga suki?
Agad na tinawagan ni Barias ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang mapaimbestigahan kung anong uri ng baril ang ginamit ng mga suspek. Ngunit dala marahil ng malamig na kapaligiran kaya naubos na ang oras ni Barias sa kaaantay. Nagpasya na lamang siya na balikan ang governor sa emergency room. Pati SOCO nakatulog din kaya!
Tinawagan ni Barias ang kanyang mga alalay na pulis upang bigyan ng security escort ang ambulansyang pagsasakyan kay Castillejos na mailipat sa Medical City sa Pasig matapos hilingin ng pamilya.
Agad namang tumalima ang kanyang mga tauhan at maging kami na nagtitiyaga sa pag-aantay sa labas ng ER ay nalusutan ng tropa nina Barias, kaya puro serena na lamang ng abulansya ang aming narinig. Nalusutan kami sa mabilis at malihim na aksiyon ni Barias. Ganyan ang tunay na magiging pinuno ng Philippine National Police (PNP)
Hindi lamang mabilis sa pagresponde kundi malihim na kumikilos upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga bikti-ma upang hindi matunugan ng mga kriminal na nagbabalak na pumatay. Saludo ako sa aksyon mo General Barias. Karapat-dapat ka ngang maging pinuno ng PNP.
- Latest
- Trending