^

PSN Opinyon

‘Gasgas na linya...’

- Tony Calvento -

ILANG BESES NA natin nadinig ang mga katagang, “Wala akong kasalanan, nadamay lamang ako.” Gasgas na linya na yan at kapag nagpunta ka sa Muntinlupa Bilibid puno ng mga presong wala umanong kasalanan at nadamay lamang. Ilan kaya ang nagsasabi ng totoo?

Kaya kahit totoong nadamay nga ang isang akusado ayaw na itong paniwalaan. Paano kung nagsasabi nga ito ng totoo?

Si Nelie Biares 54 taong gulang.  Apat ang anak. Isang canteen helper. Idinulog niya ang problema sa pangatlong anak na si Cesar Biares. 27 taong gulang. Apat ang anak. Isang pa-extra-extrang dj sa isang bar sa Timog.

“Tulungan n’yo po ako dahil nakakulong po ang anak ko. Nadamay lang po siya nung nakuha ‘yung sasakyan,” kwento ni Nelie.

April 26, 2008 alas kwatro ng madaling-araw ng pumunta ang isang Alex Medina sa bahay nila Nelie sa Quezon City. Siya ay may dalang puting Nissan Urban Escaped na may plakang XTY 305.

Ayon kay Nelie ay sinabi daw ni Cesar na may isang grupong nag-arkila ng van mula Sabado, April 26, 2008  hanggang Lunes, April 28, 2008. Nagpahatid lang ito sa Antipolo at babalikan niya ng Lunes ng umaga. 

Nagulat sila sa pagpunta ni Alex nung mga oras na ’yun dahil matagal na panahon na itong hindi nila ito nakikita. Hindi na rin naiiba si Alex sa kanilang pamilya kahit ito’y anak ng kan­yang asawa sa ibang babae.

April 27, 2008 alas diyes y media ng umaga ng niyaya ni Alex si Cesar umalis.

“Nagba-basketball ang anak ko ng mga oras na ‘yun. Nung una ayaw niyang sumama dahil basa siya ng pawis at walang t-shirt pero pinilit pa rin siya ni Alex. Sa pag-aakalang sandali lang pumayag siya at isinama ang apat na taong anak na si Hans Biares para na rin makapamasyal,” sabi ni Nelie.

Dinala ni Alex sa Malate, Manila sila Cesar at Hans dahil makikipagkita ito sa kanyang girlfriend at may kukuning pera. Dumating sila sa nasabing lugar ng mga alas onse y media ng umaga.  Bumaba si Alex at pumunta sa Cebuana Lhuillier para puntahan ang kanyang girlfriend.

Si Cesar at ang kanyang anak nalang ang natira sa van. Ilang sandali lang ang lumipas ay may mga dumating na mga pulis hinuli sila at ayon sa mga ito karnap ang nasabing van. Kasabay ng pangyayari ay nahuli din si Alex.

Pagkahuli ay dinala sila sa Malate Police Station (PS-9) at dineretso na sa Imus Police Station at dun inimbestigahan. Isang tawag ang natanggap nila Nelie kaya nila napag-alaman ang nangyaring paghuli sa anak.

Ayon sa sinumpaang salaysay ng mag-asawang may-ari ng van na sina Casiano Espiritu at Gina Jarin ay wala pang isang buwan nilang driver si Alex.  Inilalabas niya ang van para ipasada mula Imus hanggang Alabang.

Alas syete ng umaga ng April 27, 2008 ay hinihintay nila si Alex sa Imus, terminal upang kunin ang boundary.  Hindi ito du­mating at sa halip ay nakatanggap lamang sila text message mula dito na sinasabing “Ibabalik ko lamang sa iyo ang iyong sasakyan kung ikaw ay magbibigay ng halagang limampung libong (50,000) kapalit ng iyong sasakyan”. 

“Nagpunta agad ako sa himpilan ng pulisya sa Imus, Cavite upang ireport ang nangyari. Agad naman silang kumilos at sila’y nakipag-ugnayan sa Malate Police Station.  Sila ay nagsagawa ng entrapment operation,” ayon sa sinumpaang salaysay ni Casiano.

Dinagdag pa ni Casiano na hindi niya kilala si Cesar at unang beses niya lamang ito nakita dahil kasama ito nung hinuli si Alex sa entrapment operation.

Nakulong daw si Cesar umano sa maling bintang at dahil na rin sa kagagawan ng pinagkatiwalaang half brother niya na si Alex.

Dahil sa lumalabas na wala ngang kinalaman si Cesar sa nangyaring pagkarnap sa nasabing van ay iniiurong na ng mag-asawa ang demanda laban sa kanya at pumirma na rin sila ng “Affidavit of Desistance.”

“Sobrang laki ng pasalamat ko ng iurong ang demanda laban sa anak ko. Parang nabunutan ako ng malaking tinik sa lala­munan pero hindi pala ganon kadali lang ‘yun,” paha­yag ni Nelie.

Ayon kay Nelie na sabi daw ng Prosecutor na humahawak sa kaso ng anak niya ay baka raw hindi pumayag ang Provincial Prosecutor ng Cavite.   

Kadalasan kasi ang mga Affidavit of Desistance ay hindi basta na lamang tinatanggap ng ating mga korte o prosecution office. Ito ay sa kadahilanan na maaring nagkaroon ng pag-aayos sa pagitan ng mga taong sangkot sa usapin. Hindi rin pumapayag ang ating mga korte na basta na lamang tanggalin ang isang akusado habang ang iba ay maiwan sa kaso. Hindi pwedeng namimili tayo ng taong ating kakasuhan (selective prosecution).

Matapos ipaliwanag sa kanila binigyan din namin siya ng referral kay Provincial Prosecutor Emmanuel Velasco upang makapag-usap sila ukol sa kalagayan ng kaso ni Cesar. (KINALAP NI JONA FONG)

PARA SA MGA biktima ng krimen, karahasan o legal problems maari kayong magtext sa 09213263166 o sa 09198972854, Maari din kayong tumawag sa 6387285. Ang aming tanggapan ay matatagpuan sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City. 

NAIS NAMIN pasalamatan ni Sec. Raul Gonzalez ng DOJ ang mga taga AIRPHIL. Sina KC Cumpio at Charles Rapay dahil sa kanilang assistance nung week-end. Si KC at Charles “went of out their way” upang maasistihan si Sec. Gonzalez na makakuha ng booking ngayong araw na ito patungong Iloilo City upang makasama si President Gloria Macapagal-Arroyo.

Ganun din kay Melanie Legarda Baylon, Jhun Lingan, Rosene Cabbah at Carmela Cristobal. Maraming salamat sa inyong lahat!

Email address: [email protected]

ALEX

ANAK

NELIE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with