Mga kontradiksiyon ng bagong panahon

SALU-SALUNGAT sa modernong buhay. Ayaw  mag­tugma-tugma ang mga bagay-bagay. Halimbawa:

Matataas ngayon ang mga gusali pero maiikli ang pasensiya sa isa’t isa. Malalawak ang kalsada, pero makikitid ang pananaw. Gumagasta tayo pero hindi nakakamit na mabubuti. Marami tayong binibili na hindi natin nae-enjoy. Naglalakihan ang mga bahay, nagliliitan ang mga pamilya.

Maraming kagamitang pampagaan sa buhay, pero kapos tayo sa oras. Dumadagsa ang ating mga titulo, pero bawas ang sentido-komon. Lumalawak ang kaala­man sa maraming paksa, pero bihira ginagamit ang talino. Dumarami ang dalubhasa, pero bumabaha rin ang proble­ma. Mas maraming gamot, pero konti naman ang gumagaling.

Walang pakundangan tayo gumastos, kuripot sa pag­ngiti, matulin magmaneho, madaling magalit, inuu­maga bago matulog, bumabangon nang walang pahinga, sobra ang pagti-TV, at kulang ang pagdarasal.

Pinalalago natin ang ari-arian, pero pinaglalaho ang mabu­buting aral. Malimit tayo dumaldal, madalang mag­ma­hal, madalas magbulaan. Natututo maghanap-buhay, hindi ang mabuhay. Nadagdagan ng taon ang buhay, pero hindi ng buhay sa mga taon. Narating na ang kalawakan, pero hindi ang niloloob. Ginagawa ang malalaki imbis na mabubuti. Nililinis ang hangin habang binubulok ang kaluluwa. Maraming babasahin, pero pumapasok ba sa kukote?

Puro plano, walang tinutupad. Nag-aapura imbis na mag­hintay. Mataas na kita, mababang lipad. Maraming pagkain, konting kontento. Maraming kakilala, konting kaibigan. Puro kayod, walang tagumpay.

Bumubuo tayo nang maraming computers para magla­man ng laksang impormasyon, pero kulang tayo sa komu­nikasyon. Panahon ng fast foods na mabagal tunawin, mata­tangkad na tao’t mabababang ugali, tumataas na kita’t buma­babaw na relasyon. Diyos ko, iligtas Niyo kami sa aming sarili.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments