ISA sa mga hadlang sa pag-unlad ng Pilipinas ay ang talamak na corruption. Dahil sa corruption kaya nagbabantulot o natatakot ang mga dayuhang investors na magnegosyo sa bansa. Siyempre gusto nilang sa isang bansang tahimik nila ilagay ang kanilang puhunan. Ang problema ukol sa corruption ay matagal nang isinisigaw ng mga negosyanteng Amerikano. Napuno na sila sa grabeng red tape sa mga sangay ng pamahalaan kaya nagkaisa silang nanawagan kay Presidente Arroyo na solusyunan ito. Nagbanta ang mga negosyante na ipu-pullout ang kanilang negosyo kapag hindi naputol ang red tape.
Kumilos naman si Mrs. Arroyo at itinatag ang Presidential Anti-Graft Commission. Isinilang din ang “lifestyle check” at bumuo pa ng task force laban sa mga corrupt. Subalit sa umpisa lamang nagpakitang gilas ang mga ito at agad din namang nawala ang sigla sa paglaban sa mga corrupt sa pamahalaan. Ang nahuli lang ng lambat ay mga dilis at ang mga “malalaking isda” ay nakaalpas.
Ang corruption ang dahilan kaya ang mga serbisyong dapat ipagkaloob sa mamamayan ay hindi naisisilbi. Napupunta lamang ang pera sa bulsa ng mga corrupt.
Sabi ni dating New York City mayor Rudolph Giu liani, walang sinuman ang magnanais na mag-tayo ng negosyo sa isang lugar na mayroong corruption. Itinataboy aniya ng corruption ang mga negosyante. Komportable umano ang mga negosyante sa isang bansang walang corruption. At nang tanungin si Giuliani kung ano ang ginagawa nila sa mga corrupt officials? Ikinukulong umano nila.
Napakaganda ng sinabi ni Giuliani at ito ang nararapat na ipatupad ng mga opisyal ng pamahalaan sa kasalukuyan. Dapat madurog ang corruption para huwag lumayas ang mga namumuhunan. Ang mga corrupt ang dapat na unahing lipulin ng Arroyo administration. Pero magawa kaya niya lalo pa ngayong marami siyang pulitikong pinagkakautangan ng loob. Masama sa negosyo ang maraming umaaligid na corrupt at dapat itong mawalis. Katulad ng payo ni Giuliani dapat maging komportable ang mga negosyante sa bansang paglalaga-kan nila ng puhunan.