HIRAP din ang pamumuhay dito sa United States. Hindi lamang Pil-Ams ang umaangal sa hirap ng buhay dito kundi pati mga Kano mismo. At ang kahirapan ng buhay ang dahilan kung bakit hindi nakapagpapadala ng pera ang Pil-Ams sa kani-kanilang mga mahal sa buhay sa Pinas.
Ngayon lamang daw ito naranasan ng Pil-Ams kaya hindi sila nakapaghanda. Pero sabi naman ng iba, nangyari na rin daw ito noong 1975 nang tumaas ang presyo ng gasolina. Pila raw ang tao dito noon para makapagkarga ng gasoline.
Numero unong dahilan kung bakit nagtataasan ang mga presyo ng bilihin ay dahil sa pagtaas ng gasolina. Lubhang kailangan kasi ang gasolina sa mga sasakyang nagdadala ng mga paninda at mga produkto. Kaya tanggap na ng lahat na kapag tumaas ang presyo ng gasolina siguradong tataas din ang presyo ng mga bilihin.
Ang ipinagtataka ng Pil-Ams ay kung bakit sobra ang taas ng presyo ng gasolina gayung dito rin naman ito nanggagaling. Sa Texas, nanggagaling ang gasolina rito. At mismong sa Texas ay dumoble ang taas ng presyo sa loob lamang ng anim na buwan. Ang mga bilihin dito ay tumaas ng 30 percent sa loob ng tatlong buwan.
Hindi maintindihan ng Pil-Ams ang sinasabi ng mga ekonomista na tumataas daw ang mga presyo ng gasoline dahil sa dikta ng world market.
May balita naman na hindi magtatagal at bababa rin ang presyo ng gasolina at ibang bilihin. Sana nga ay bumaba at gumanda na rin ang ekonomiya rito para patuloy na makapagpadala ng dollar ang Pil-Ams sa kani-kanilang mga mahal sa buhay sa Pinas.