MATALINONG tao raw si Democratic presidential candidate Barack Obama. Kaya nagtataka ako kung bakit niya ito pinambungad sa isang talumpati (isinalin sa Pilipino): “Mga kaibigan, nakatira tayo sa pinaka-dakilang bansa sa kasaysayan ng daigdig. Halina’t samahan ninyo ako sa pagsisikap na baguhin ito.”
Hello, Barack? E kung “pinaka-dakila” na pala, e bakit mo pa babaguhin, at nag-aanyaya ka pa ng iba? Hindi mo pa ba narinig ang kasabihang “kung hindi sira, huwag ayusin”? O baka naman nadadala ka lang sa sarili mong mabubulaklak na salita — mga salita ng pulitikong nanliligaw ng boto, mga salitang nanloloko?
Dumako tayo sa Pilipinas, kung saan magsasagawa si Presidente Gloria Arroyo sa Lunes ng ikawalong State of the Nation Address. Asahan nating wala na namang laman ang ulat na ito.
Nang sumumpa si Arroyo bilang Presidente nu’ng Enero Enero 20, 2001, araw na pinatalsik si Joseph Estrada, aniya: “Simple lang ang ipangangako ko sa inyo. Ako ay magiging mabuting Presidente.”
Mula noon, lumala ang kahirapan, katiwalian at kaguluhan.
Kahirapan. Nu’ng una, 3.1 milyong pamilya ang nagsasabing gutom sila; dumami ito sa 3.4 milyon, 3.7 milyon, at ngayon’y 4 milyon na. Parami nang parami ang OFWs — 9 milyon — dahil walang trabaho sa bansa. Limang milyon pa ang walang trabaho at 14 milyon ang kapos ang sahod.
Katiwalian. Dalawang araw pa lang sa puwesto, inaprubahan ni noo’y-Justice Sec. Nani Perez ang maanomalyang kontratang kuryente sa IMPSA, na may $17 milyong kickback, ayon kay Sen. Ping Lacson. Sa kalalabas na talambuhay ni dating VP Tito Guingona, inamin umano ni Perez sa kanya na pinilit lang siya ni Arroyo aprubahan ang IMPSA deal.
Kaguluhan. Sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines, 56 na ang napapatay na mamamahayag sa loob ng pitong taon ni Arroyo sa puwesto; 33 ang pinatay nu’ng Marcos martial law. Patuloy ang pagpatay at pagdukot sa mga militante, huwes at piskal sa kanayunan.