KASO ito ng BII Company na itinatag alinsunod sa batas ng United States. Nakabase ang kompanya sa San Francisco, California. Noong Hulyo 12, 2001, nagsampa ng kaso ang kompanya laban kay Gerry, isang negosyanteng nakabase dito sa Pilipinas. Ang negosyo ni Gerry ay may kinalaman sa pag-aangkat ng seafoods.
Noong Hunyo 1997, tinanggap ni Gerry mula sa BII ang $150,335.75 bilang utang at para kapital pangsosyo sa dalawang kompanya (ang SNC at ang SBC) na nasa negosyo rin ng seafoods. Itinuring ng BII na utang ni Gerry ang nasabing halaga dahil walang kahit anong pruweba na ginamit nga ang halaga para sumosyo sa SNC at SBC.
Sa kanyang sagot, inamin ni Gerry na nakatanggap nga siya ng $141,994.71 ngunit ang $23,748.00 daw dito ay komisyon niya at ang matitira lamang ang gagamitin upang bilhin ang 70% ng SNC. Hindi raw siya pumayag na ituring ang pera bilang utang niya. Kaya ang naging tanging usapin sa kaso ay kung totoo nga na may napagkasunduang “verbal” na kontrata ng utang sa pagitan ni Gerry at ng BII.
Bago makapagpakita ng ebidensiya, nagmosyon ang BII upang kunin na lamang ang testimonya ng mga testigo o ang tinatawag na “deposition through written interrogatories” dahil puro Amerikanong nakatira at nag-oopisina sa United States ang tatayong testigo. May isang testigo naman na matanda na at mahirap na para sa kanya ang bumiyahe sa Pilipinas lalo at nangyari pa ang terrorist attack noong Setyembre 11.
Kinontra ni Gerry ang sinabi ng kabila. Ayon sa kanya, siya ang magiging kawawa kapag pinayagan ang pagkuha ng testimonya ng mga Amerikano sa US imbes na rito sa korte sa Pilipinas. Hindi raw makatarungan na ang isang kompanyang banyaga na hindi nakabase dito sa Pilipinas ay payagang patunayan ang katotohanan ng kontrata sa pamamagitan lamang ng mga testigong puro kukunin ang testimonya sa ibang bansa. Hindi raw magkakaroon ang korte ng pagkakataon na subukan ang kredibilidad ng nasabing mga testigo. Sa parte naman niya, hindi raw maaaring tanungin ng harapan ang mga testigo tulad ng ginagawa dito sa Pilipinas. Magtitiis na lamang siya na sulatan ang mga ito taliwas sa normal na balitaktakan sa korte. Tama ba si Gerry?
MALI. Pinapayagan ng batas (Sec. 1, Rule 23 Rules of Court) na kunin ang testimonya ng kahit sino sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanya sa korte (oral examination) o di kaya ay sa kanyang mga pahayag (written interrogatories) at ito ay maaaring hilingin ng kahit sino sa magkabilang panig.
Pinapayagan ito kapalit ng nakagawiang pagtatanong sa testigo sa mismong paglilitis kung saan napag-aaralan ng huwes ang kanyang mga kilos. Hindi naman illegal ang proseso porke hindi ginawa ang pagpapahayag ng testimonya sa harap ng huwes.
Ayon sa batas (Sec. 4, Rule 23 Rules of Court) ang nasabing pahayag ng testigo ay maaaring gamitin kung mapapatunayan ang testigo.
Ang sitwasyon ng BII ay isa sa inilalahad ng batas. Ang mga testigo ay wala sa Pilipinas at hindi sinadya ng BII ang sitwasyong ito. Walang nagsasabing ipinagbabawal sa batas ang paggamit ng “deposition” upang patunayan ang kontrata ng pagkakautang.
Anuman ang mangyari, ang pagtanggap ng korte sa nasabing “deposition” ay hindi awtomatikong nangangahulugan na may bigat o halaga ito sa kaso. Ang bigat ng ebidensiya ay patungkol sa magiging epekto nito sa kaso, kung sapat nga ito upang makumbinsi at mapaniwala ang mga partido pati na rin ang hukom (San Luis vs. Rojas etc. GR 159127, March 3, 2008).