EDITORYAL – Balik-school ang mga batang manggagawa
MAGANDANG malaman na may proyekto ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga batang manggagawa. Ito ay ang pagbibi- gay ng libreng edukasyon sa may 9,000 batang manggagawa sa buong bansa. Ito yung mga batang naghahanapbuhay para makatulong sa kanilang mga magulang at kapatid. Sila rin iyong bumabalikat ng responsibilidad na iniwan ng kanilang mga magulang. Sila yung mga kabataan na nagpapatulo ng pawis sa mga pabrika ng sitsirya, paputok, noodles, kendi, at marami pang iba. Sila rin yung mga nangangalahig ng basura, nagtitinda ng bag o supot sa mga palengke, nagtitinda ng diyaryo, tagabantay ng kotse, tagatinda ng basahan sa kalye at iba pang mahirap na trabaho na nagiging dahilan para mabingit sila sa kamatayan.
Karamihan sa kanila ay hindi nakatuntong ng school kaya hindi marunong sumulat at bumasa. Ang ilan ay nakatuntong ng elementarya pero napilitang tumigil sa pag-aaral para makatulong sa mga magulang at kapatid. Ang iba ay wala nang mabaon sa school kaya napilitang tumigil at nagpatulo na lamang ng pawis para may maibili ng pagkain.
Kawawa ang kalagayan ng mga batang manggagawa sapagkat napagkaitan ng pagkakataong makapag-aral. Gustuhin man nilang mag-aral ay hindi maaari sapagkat mas mahalaga ang ilalaman sa kanilang bituka. Kung hind sila magtatrabaho ay maninigas sila sa gutom. Pinili nilang magtrabaho sapagkat iyon ang nararapat para sila mabuhay.
Nakatakda nang i-implement ng DOLE ang apat na taong project para mabigyan ng libreng edukasyon ang mga batang manggagawa. Katuwang ng DOLE sa kanilang project ang World Vision Development Foundation at ang Christian Children’s Fund. Ang project ayon kay Labor secretary Marianito Roque ay tinaguriang “Pag-aaral ng mga bata para sa kinabukasan”.
- Latest
- Trending