Flaw in the law
LABING-TATLONG bilyong piso ang binayaran ng mamamayan sa elektrisidad na hindi naman pinakinaba-ngan dahil hindi nai-deliver.Sino ang dapat sisihin?
Ang ibig sabihin ng titulo nating “flaw in the law” ay “butas sa batas.” Tinutukoy ko ang batas sa EPIRA na nag-oobligang bayaran nating mga electric consumers ang mga independent power producers (IPP) gamitin man o hindi ang kanilang elektrisidad. Puwede ring sabihin na makapag-prodyus man o hindi ng elektrisidad ang mga IPPs, obligado pa rin si Juan “Pasangkrus” na magbayad. Iyan kasi ang itinatakda ng batas.
Ito ang panahon ng “anihan.” Inaani na natin ang negatibong epekto ng batas na inakda nung panahon pa ni Presidente Ramos. In fairness, may vision si Ramos na daragsa ang mga industriya sa malapit na hinaharap at lolobo ang konsumo sa elektrisidad. Kaya inimbitahan ang pribadong sector na magtayo ng mga planta ng kuryente. May mga IPPs na kaalyado ng gobyerno, mayroon din ng Meralco.
Sigurista rin ang mga negosyante. Paano kung walang sapat na market sa ipo-prodyus nilang elektrisidad? Kaya isinasaad sa kontrata na babayaran pa rin sila gamitin o hindi ang kuryenteng kanilang ipo-prodyus. Kasamaang-palad, sumemplang ang vision ni Ramos. Nang palitan siya ni Pres. Estrada, hindi natupad ang inaasahang pagdagsa ng industriya. Sobra-sobra ang supply ng kuryente, kakaunti ang kukonsumo. Iyan. Iyan ang problema ngayon.
Sa imbestigasyon ng House Energy Committee, inamin ng mga opisyal ng Meralco na pinapagbayad ang mga consumers ng P13 bilyong halaga ng elektrisidad na hindi naman nai-deliver ng kanilang sister IPP na First Gas.
Katuwiran ng mga opisyal, obligado sila sa ilalim ng “take or pay” provision ng kontrata na bayaran ang 83 porsyento ng 1,000 megawatt ng generation capacity ng First Gas kahit hindi nai-dispatsa ang buong delivery. Pero anang opisyal, ito’y pinahintulutan ng Energy Regulatory Commission (ERC). Iyan ang puno’t dulot ng kakaibang “power crisis” na dinaranas ngayon ng bansa.
- Latest
- Trending