PARANG bulalakaw na lumitaw ang 15 anyos na si Charice Pempengco. Marami ang namangha at nagulat sa kanya sa United States at United Kingdom. Standing ovation ang mga nanood ng TV program ni Ellen De Generes dahil kay Charice na sinundan pa ng paglabas niya sa isang popular na TV program sa London.
Ang pinakamatindi ay nang mag-guest si Charice sa TV program ni Oprah Winfrey. Humanga nang todo kay Charice si Oprah. “Who are you?”, “Where did you come from?” Ito raw ang mga naitanong ni Oprah kay Charice. Mahigpit na niyakap ni Oprah ang umiiyak sa tuwa na si Charice.
Patuloy ang pagtanggap kay Charice ng ibang lahi. At lalo pa siyang tatangkilikin kapag natuloy ang isang proyekto na magtatanghal kay Charice at sa mga sikat na sina Celine Dion at Mariah Carey. Sama-sama silang aawit.
Nabalitaan kong marami pa raw nakalinyang pagtatanghal na napipinto kay Charice sa US, UK at sa iba pang bansa. Masasabi kong sikat na nga si Charice.
Dapat nating ipagmalaki ang talino ni Charice. Maaaring dahil sa kanya ay makilala nang tuluyan ang kahusayan ng mga Pinoy sa larangan ng pag-awit.
Ito ang sinasabi ko na noon pa. Kailangang kumabit tayo sa mga talent manager na may mga koneksiyon sa buong mundo sa larangan ng pag-awit, pagsayaw at maging sa pagtugtog. Sa larangan ng pagtugtog ay mayroon tayong pag-asa sapagkat maraming Pinoy na magagaling sa piano, gitara, biyolin, flute at iba pang mga instrumento.
Alam ko malayo ang mararating ng kababayan nating si Charice. Bata pa siya at kinakikitaan na ng liwanag sa pagkanta. At alam ko rin, malaki ang nagagawa ng determinasyon at tiyaga para magtagumpay sa anumang larangan.