EDITORYAL – Mga ‘bumibiyaheng kabaong’ kailan pahihintuin?
MARAMING “bumibiyaheng kabaong” sa mga lansangan kaya naman sunud-sunod ang pagka lagas ng buhay. Ang mga kawawang pasahero, motorista o kaya’y pedestrian ang kadalasang napipinsala ng mga sasakyang nawawalan ng preno o di-kaya’y dahil sa walang disiplinang drayber nito.
Hindi lamang mga pampasaherong bus ang nasasangkot sa malalagim na aksidente kundi maging ang mga ten-wheeler trucks na umaararo sa mga sasakyan, kabahayan at mga taong tuma tawid. Katwiran ng mga drayber ng cargo trucks, nawalan daw ng preno ang kanilang sasakyan kaya nangyari ang aksidente. Aksidente lang daw ang lahat.
Maaalala ang naging kamatayan noong nakaraang taon ng asawa ni dating Senador Rene Saguisag. Isang ten-wheeler truck ang umararo sa sinasakyang van nina Saguisag at grabeng nasugatan si Mrs. Dulce Saguisag na ikinamatay nito. Nasugatan din si Senator Saguisag pero himalang nakaligtas, ganun din ang kanilang drayber. Sabi ng drayber ng ten-wheeler truck, aksidente raw ang lahat. Sabi naman ng mga nakasaksi, tuluy-tuloy ang truck kahit na naka-red light ang ilaw.
Noong Linggo, isang malagim na aksidente ang naganap sa Taytay, Rizal at ang sangkot na naman ay isang dispalinghadong ten-wheeler truck. Tatlo ang namatay at 13 ang nasugatan nang mawalan ng preno ang truck at inararo ang 10 sasakyan, dakong alas-onse ng umaga.
Naaresto agad ang drayber na nagsabing aksidente lamang ang lahat at humingi siya ng tawad sa mga naulila.
Laging ganyan ang tagpo pagkatapos ng malagim na pagbangga. Aksidente lamang ang lahat.
Sa dami ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga dispalinghadong truck, wala namang naririnig na aksiyon sa Department of Transportation and Communication, Land Transport and Franchising Regulatory Board at maging sa Land Transportation Office.
Bakit hindi pa ipagbawal sa kalye ang mga dispalinghadong truck na umaararo sa mga kawawang tao? Ano pa ba ang hinihintay at hindi pa ipinagbabawal ang “bumibiyaheng kabaong”? Kailangan pa bang marami ang mamatay para pagbawalan ang mga sasakyang dispalinghado?
- Latest
- Trending