MAGING responsable sana ang mamamayan sa paggamit ng tubig ngayong tag-araw. Ito ang paalala ni Dr. Francis Nilo ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) nang makapanayam ko noong Linggo sa isang “Balitaan sa Tinapayan” na ginanap sa Dapitan St., Sampaloc, Manila.
Ayon kay Dr. Nilo makararanas nang mahabang tagtuyot ang mga palayan sa bansa dahil sa epekto ng global warming kaya maraming magsasaka ang mangangailangan ng supply ng tubig mula sa mga dam. Paano nga naman, kinalbo na ang lahat ng kabundukan ng illegal loggers na karamihan ay mga pulitiko. Get n’yo mga suki?
May balita nga akong nasagap na sa kabundukan ng Polangui, Albay, patuloy ang pagto-troso sa kabila ng paghihigpit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Bulag yata si dating Manila Mayor Lito Atienza at hindi niya napansin ang pagkalbo ng kabundukan sa Polangui. Subukan mo Secretary Atienza na tanungin ang mga mamamayan sa paanan ng bundok at natitiyak ko na ituturo nila na pulitiko ang may pakana ng pagtotroso. Hala kilos na mayor bulaklak este Secretary Atienza!
At kung ang mamamayan mismo ang magpapabaya at magsasayang ng tubig ay makatitiyak na hindi lamang gutom ang mararanasan kundi pati pagkauhaw. Kaya ngayon palang ay matuto na tayong magtipid sa tubig upang maiwasan ang pagkamatay sa gutom at uhaw.
Mababawasan na rin ang mainit na pandesal na isinasawsaw sa mainit na kape ng mga mahihirap na mamamayan sanhi ng kakapusan sa suplay ng arina sa merkado dahil sa bumaba ng halos kalahating porsyento ang produksyon ng trigo mula sa ibang bansa.
Kapansin-pasin na maraming bakery ang nagsasara sa ngayon, ayon sa nakalap kong impormasyon ang dating 12,000 miyembro ng magtitinapay ay bumaba na sa 7,000 na lamang sanhi ng di na nila makayanan ang presyo ng arina at iba pang sangkap sa pag-gawa ng tinapay.
Bagamat gumagawa ng pamamaraan ang Department of Agricuture (DA) at ang Philippine Association of Flourmillers (PAF) na makapagluto ng murang tinapay na maibebenta sa mga mahihirap nating mamamayan ay di-kayang punuan ang kakulangan nito.
Ang “Tinapay ng Bayan” ni President Gloria Macapagal-Arroyo ay limitado lamang sa dalawang supot sa bawat pamilya at mabibili lamang ito sa araw ng Biyernes, Sabado at Linggo sa mga outlet. Kayat ngayon pa lang ay matuto na tayong kumain ng kamote at saging na saba upang maibsan ang gutom.
Maging ang tanggapan ng Department of Trade and Industry ay hilong talilong sa pagmonitor sa mga prisyo ng bilihin sa mga pamilihan. Wala silang magagawa na mapigilan ang pag-taas ng prisyo dahil ang nasusunod sa ngayon ay ang presyong pandaigdigan.
Mabuti na lamang umano at lumalaban ang peso sa dolyar kaya paunti-unti lamang ang nararanasan nating pagtaas sa lahat ng bilihin. Kaya ang mabuti siguro nating gawin ngayon ay ang pagtitipid sa lahat ng bagay na maari nating pakinabangan upang ang gutom at uhaw ay maiwasan.
At dahil sa epekto ng global warming ay pinaghahanda rin ang lahat ni Dr. Nilo sa posibilidad na makararanas tayo ng maraming malalakas na bagyo sa taong ito. “Kung dati-rati ay dalawang beses lamang tayo nakakaranas ng malakas na bagyo, may posibilidad na mula apat o mas higit pa sa taong ito.” Makakaranas din umano tayo ng pagbabaha sa pagsapit ng tag-ulan.
Kaya’t mga suki! Ngayon palang ay paghandaan na natin ito. Huwag tayong mag-panic dahil may sapat pa naman tayong bigas na makakain, iyon nga lamang ay unti-unti ng tumataas ang presyo.
Subalit kung magtitipid lamang tayo ay malalampasan din natin ito sa darating na panahon. Maging responsable sana tayong lahat nang ang gutom ay maiwasan.