13 pulis nakalutang sa ere sa kasong walang complainant?

LABING-TATLONG pulis-Maynila ang nagsadya sa aking opisina kamakalawa dahil sa anila’y hindi makataru­ngang paglalagay sa kanila sa floating status ng pa­munuan ng PNP sa National Capital Region. Sana’y makarating ito kay NCRPO Chief Geary Barrias. Ang kaso nila ay dahil lamang umano sa reklamong ipinadala sa pamamagitan ng text message ng isang Tsinoy businessman. Hinaras umano ng mga pulis na ito ang Tsinoy sa isang checkpoint operation noong gabi ng Abril 11 sa panulukan ng Quirino Ave. at Adriatico St. sa Malate, Manila.

Ako’y gigil din sa ganyang uri ng katiwalian, kung totoo at may basehan. Talagang dapat patawan ng parusa ang mga alagad ng batas na nanggigipit ng taumbayan lalu na kung ang layunin ay mangotong. Kung totoo. Pero in fairness sa mga inirereklamong pulis, dapat may matibay na pruweba laban sa kanila bago suspendihin o sibakin sa puwesto. Otherwise, mangingilag na ang  mga pulis kapag itinalaga sa mga gawain tulad ng pagtatanod sa checkpoints.

Nagsilbing spokesman ng mga pulis si P/Inspector Mario Matibag na siyang team leader sa operasyon. May kopya ng resulta ng pangunang pagsisiyasat sa reklamo na iprinisinta sa akin. Ito’y imbestigasyon ng General Assigment Section ng Manila Police District at may pirma ni  Pol./Supt Eleazar Pepito Matta na duminig sa panig ng mga pulis. Ang ibang mga pulis na nasangkot sa kaso ay sina SPO1 Rolando Biaquin, SPO1 Jamelito dela Cruz, PO3 Marianito Ruedas, PO3 Ferdinand Colo­ma, PO3 Hilario Gregorio, PO2 Bienvenido Cinco, PO2 Arian Alba, PO2 Eligio Valencia, PO2 Eustaquio Catchin, PO1 Dennis Bernabe, PO1 Christopher Lajom, at PO1 Emard Oralio na pawang pulis-Maynila.

Inirerekomenda ni Matta na i-archive o  isaisantabi ang kasong ito dahil walang du­marating na complainant.  Dito ako naliwanagan. Wala pa­lang nagsampa ng formal complaint. Ang ne­gosyanteng nag­reklamo sa pamamagitan daw ng text ay si William Sy. Ma­tapos suriin ang written explanation ng mga pulis, sinabi ng investigating body na muk­hang lehitimo naman ang operasyon. 

Abril 11 pa nangyari ang insidente pero wala pang formal complaint ang bik­tima? Kakatwa naman yata iyan. Sana’y maayos na ang ka­song ito. Kung may sala, pa­rusahan pero kung wala, huwag naman pabayaang nakabitin sa balag ng ala­nganin. Pero paano ma­pa­patibayan ang kasalanan kung walang nagrerek­lamo?

Show comments