ANG Abril 22, 2008 ay ipagdiriwang sa lahat ng mga bansa bilang Earth Day, o Araw ng ating Daigdig.
Napakarami nang mga detalyadong pag-aaral, talumpati at pahayag tungkol sa nagiging pagkasira ng kalikasan ng ating mundo. Popular na mga kataga na rin ngayon ang “climate change” at “global warming” na ang ibig sabihin ay ang kakaiba at negatibong pagbabago ng klima, at ang mabilis na pag-init ng mundo.
Marahil, ang naging pinakasikat na impormasyon tungkol sa usaping ito na talagang pumukaw sa kamalayan nang maraming tao sa iba’t ibang bansa ay ang documentary film na ginawa ni dating United States Vice President Al Gore na pinamagatang “An Inconvenient Truth,” kung saan ay ipinakita at tinalakay ang nakaaalarmang katotohanan tungkol sa mabilis at patuloy na pagtaas ng temperatura sa daigdig.
Ang global warming, ayon sa naturang documentary at sa iba’t iba pang pag-aaral, ang dahilan ng maraming sakit, mga kalamidad at grabeng tag-init o taglamig.
Ang global warming ay resulta umano ng ilang natural na mga kaganapan (natural occurrences) at ng mga gawain ng tao (man-made).
Ang mga natural na kaganapan ay maaaring hindi natin kayang baguhin, kontrolin o impluwensiyahan, pero ang mga man-made na sanhi ng global warming ay puwede at dapat nating aksyunan.
Ilan sa mga itinuturing na ordinaryong gawain ng tao na sanhi ng global warming ay ang paggamit ng mga kemikal (tulad ng air spray at petrolyo), mga bagay na di-nabubulok, hindi maayos na pangangasiwa ng basura, etcetera.
Bawat isa sa sangkatauhan, Pilipino man o taga-ibang bansa ay may magagawa laban sa global warming sa pang-araw-araw na pamumuhay, tulad ng pagtitipid sa kuryente, gasolina at iba pang produktong petrolyo,pagpili ng mga kagamitang “environment-friendly” ang ma teryales, pagbawas sa nagiging basura at pag-tigil sa pagtatapon nito kung saan-saan, at marami pang iba.
Nawa, ang pagdiriwang ng Earth Day ay maging makabuluhan para sa ating lahat, at magsilbi sana itong panggising sa ating lahat upang tumulong tayo sa proteksyon at pangangalaga ng kalikasan, hindi lang minsan isang taon, bagkus ay araw-araw.