Ang panic sa bigas

Sa ating pagkain dapat ay may bigas

pag ito’y naluto ay kaning masarap;

kahi’t walang ulam saka panghimagas

kanin ay sapat ng pagkaing mag-anak!

 

Kung kaya ang bigas napakahalaga

sa buhay ng tao –- mayaman at dukha;

sa lahat ng dako nitong ating bansa

bawa’t butil nito di dapat mawala!

 

May mga balitang ngayo’y kumakalat

na ang ating bansa ay kulang sa bigas;

kung totoo ito dapat na mag-ingat

ang lahat ng tao sa loob at labas!

 

Ang balitang ito ay masamang biro

lalo na’t sa ngayong bayan ay tuliro;

dahil sa maraming kontra sa Pangulo

binabato siya nang maraming isyu!

 

At isa na rito ang isyu ng bigas

may mga tinderong masama ang hangad;

bigas sa palengke’y itatago agad

sa nasang kumita sa presyong mataas!

 

Sa sistemang ito baya’y nagpapanik

natatakot silang supply nga’y mapatid;

kung sa bigas kulang ang ating Republic

maysala’y ang traders pagka’t nanggigipit!

 

Sinasabi naman ng ating gobyerno -–

sa supply ng bigas ay sagana tayo;

di dapat mangamba mga Pilipino

ang bodega nati’y laging puno nito!

 

Kaya hindi dapat na tayo’y matakot

sa mga balitang bigas nauubos;

sa mga bukirin ang mata’y itutok —

may saganang aning sa ati’y tutubos!

 

Luntiang bukirin ay inyong pagmasdan –-

nagbabadya ito ng aning mainam;

kung ang supply nito’y maaring magkulang

ang mga rice hoarders ang may kasalanan!

Show comments