EDITORYAL – Maraming bigas, maraming smugglers
SABI ng Malacañang, walang kakulangan ng bigas. Ilang ulit na nilang sinabi ang ganito mula nang uminit ang isyu ukol sa krisis sa bigas. At para patunayan na walang krisis sa bigas, sunud-sunod ang ginawang pagsalakay ng mga kagawad ng National Food Authority (NFA) at National Bureau of Investigation (NBI) sa mga bodega na hinihinalang hino-hoard ang bigas. Natagpuan sa mga bodega ang talaksan ng saku-sakong bigas na binili sa ibang bansa.
Maski si President Arroyo ay sorpresang suma-ma sa pagbisita sa isang bodega ng bigas sa kanto ng Perdigon at Figueroa Sts. sa Paco,
Marami talagang bigas sa bansa, pero nabuking na ang mga ito ay smuggled. At ang masama pa, smuggled na nga ay iniimbak pa ng mga ganid na negosyante at saka ipagbibili sa mahal na halaga. Hindi lang doble o triple ang kanilang kinikita sapagkat hindi na nagbayad ng buwis ay ipagbibili pa nang mahal ang smuggled rice. Sobra na ang pagsasamantalang ito!
Ang rice smuggling ay matagal nang nangya-yari sa bansang ito. Nakapagtataka naman na ang pamahalaan ay tila ba kahapon lamang ipinanganak at hindi nalalaman ang talamak na smuggling ng bigas.
Walang problema sa bigas sapagkat nagtusak ito. Ang problema ay ang mga ganid na smuggler at negosyante na patuloy na kumikita habang marami ang nagugutom.
- Latest
- Trending