TAUN-TAON kinakapos ang Pilipinas nang dalawang milyong tonelada ng bigas. Ang dapat na solusyon ng isang responsableng gobyerno ay maglaan ng pondo para pag-ibayuhin ang ani. Ang naturang pondo ay para sa patubig, kontra baha, abono, pestisidyo, research and development ng high-yield rice varieties, post-harvest facilities, at insentibo at training sa magsasaka.
Pero hindi ito ginagastahan ng gobyerno. Ang kokonting pera ng bayan ay inilalaan sa mga walang kapararakang proyekto. Kung hindi ko binisto ang national broadband network deal, wawaldasin sana ng Malacañang ang $330 milyon (P17 bilyon), imbis na ang rice productivity. At ki-kickback pa sana ang brokers ng ZTE nang $200 milyon (P10 bilyon).
Mas ginugusto rin ng gobyerno na angkatin taun-taon ang shortage na dalawang milyong tonelada mula sa India, Thailand o Vietnam. Bakit? Dahil may kickback din sa bawat stage ng pag-import ng bigas.
Simulan natin sa presyo. Anang Malacañang, bumibili ang gobyerno ng bigas mula sa Vietnam sa halagang $700 kada tonelada. Pero i-check sa Internet ang presyo ng Vietnam rice exports: $430-$460 lang kada tonelada. (Tumaas ito kamakailan nang $50-$70 kada tonelada dahil kokonti lang din ang ani ng Vietnam nang ilaan ang mga lupain para sa biofuels.)
Ilagay na lang natin sa $450 kada tonelada ang presyo ng Vietnam, para madaling kuwentahin. Sa gan’ung presyo, malinaw na may overprice na $250 kada tonelada ang opisyal na umoorder ng bigas mula Vietnam. Tumataginting na $500 milyon (P20 bilyon) ang kickback mula sa dalawang milyong tonelada.
Hindi lang ‘yon. Pati ang opisyal na taga-hire ng barko ay kumukumisyon nang di bababa sa $100,000 kada barko ng bigas.
Maniwala kayo’t sa hindi, pati sako ng bigas ay may kickback. Dekada-’80 pa, 15¢ na ang kumisyon kada sako. May 20 sako kada tonelada, o 40 milyon sako sa dalawang milyong tonelada ng angkat na bigas. Ang kickback mula sa sako pa lang ay $6 milyon ($240 milyon).