SA bawat sumbong, reklamo at impormasyong inilalapit sa BITAG, buong ingat namin itong hinahawakan, pinag-aaralan at iniimbestigahan.
Marami nang mga miyembro ng sindikato ang nagtiwala sa BITAG, bukas ang aming pintuan sa sinumang lumapit at ipinagkatiwala ang kanilang mga nalalaman.
Subalit, hindi kami basta-basta nagtitiwala at naniniwala. Katulad na lamang ng isang lalaking personal na tinungo ang aming tanggapan, si Tirador.
Pebrero 20 nang dumating sa BITAG headquarters si Tirador, pakilala niya sa BITAG, isa raw siyang miyembro ng notoryus na sindikato ng mga karnaper.
Pagbibida ni Tirador, notoryus daw ang kanyang grupo dahil armado sila, mananakit o kikitil ng buhay makuha lamang ang nakursunadahang sasakyan.
Ang kanilang estilo, forcibly taken. Pagkatapos maagaw ang sasakyan sa kanilang biktima, agad itong idinederetso sa kanilang financer umano na nagnganga-lang Jonathan.
Ayon kay Tirador, isa siya sa grupo ng mga umaagaw ng sasakyan, ang kanila raw lider, nagngangalang Anthony. Dahil dito, binansagan namin siyang si “TIRADOR”.
Nang araw ding iyon, nagpakitang gilas si Tirador sa BITAG, tinawagan niya ang kanila daw financer na si Jonathan upang patunayan ang kanyang ibinibida sa BITAG.
Ang takbo ng usapan, may namataang bagong Ford Everest si Tirador, sa halagang 100 thousand, bibilhin daw ni Jonathan ang pitas na sasakyan.
Subalit hindi nagmadali ang BITAG na bitagin ang grupong ito, tinuruan namin si Tirador na haha-nap muna siya ng ibang buyer na mas mataas ang halaga dahil lugi siya sa P100 thousand ni Jonathan.
At para maisaayos ang paghahanda ng pati-bong para sa grupo ni Tirador, nakipag-ugnayan ang BITAG sa National Bureau of Investigation Anti-Terrorism Division, Intelligence Service.
Buhay ang nakataya sa delikadong operasyong ito, kaya’t masusing nagplano ang mga ahente ng NBI-ATD-IS at grupo ng BITAG, base sa salaysay ni Tirador.
Una naming ikinasa ang surveillance team kung saan inikutan muna ng BITAG at NBI ang bahay ni Anthony, na ayon kay Tirador, ang kanilang lider sa pang-aagaw ng sasakyan.
Dito, si Tirador mismo ang nagprisinta sa BITAG na maging aming undercover upang maidokumento ang kanilang transaksiyon kay Anthony…
Abangan ang karugtong…