LAHAT tayo’y nakasaksi na ng argumentong pro-GMA vs. anti-GMA. Lalo na nung nabisto ang pandaraya sa Hello Garci. Sa kabila ng malinaw na pagnakaw ng boto, mayroon pa ring nagpupumilit na OK na rin ang Pilipinas kay Gng. Arroyo. Ang madalas panangga mula pa nung 2001 ay: “Buti nang si GMA. At sino naman ang pwedeng ipalit?” Ngayong mahigit seven years at sangkatutak na anomalya nang nakalipas, bebenta pa ba ang argumentong ito? Maliban sa kanyang mga kakontsaba, wala nang nangangahas ngayong magpaliwanag para kay GMA. Lubhang napakatindi ng mga kaganapan sa ZTE-NBN at Lozada abduction na hinihiling ng panahon ang bagong hamon sa bawat isang Pilipino. Ano ang personal kong itutugon sa nangyayari sa aking lipunan?
Maaari nating tularan ang halimbawa ni Jun Lozada. Nung una’y umiilag, natatakot mamatay dahil sa pag-aalala sa pamilya. Sa huli’y nagdesisyon –- mabuti nang mamatay na malinis ang konsensiya kaysa mabuhay na pasan ang bigat ng panlilinlang sa bayan. Kaya buo ang loob lumantad sa kabila ng panganib sa buhay ng buong angkan.
O nandyan din para tularan ang halimbawa ng ating mga kinatawan. Ano na ba ang pahayag sa isyu ng ating mayor, councilor, congressman, senator? Dito sa Maynila, nagdeklara na si Mayor Alfredo S. Lim – “we have to make a stand”. At inumpisahan na nga ang kampanyang “Piso para sa katwiran.” Congressman Bienvenido Abante ng 6th district, tumindig na para sa “Moral revolution”. Wala akong masasabi sa ating mga Senador –- ang Senado na lang yata ang natitirang institusyon na interesado sa katotohanan. Ang ibang mga congressman? Ano ang kahulugan ng inyong pananahimik?
Lipas na ang oras ng pagtatanggol kay GMA. Dumating na ang panahon na sariling aksyon na ang dapat ipagtanggol. Mga miyembro ng Gabinete na hindi direktang sangkot sa iskandalo –- kesyo sa kurakot o sa pagtatakip, ano ang tugon n’yo sa hamon ng Hyatt 10 at ng La Salle 60?
Sa ayaw natin o sa gusto, dapat nang manindigan. Kapag ginamit na ang pamahalaan laban sa mamamayan sa halip na para sa kanilang kapakanan, nasaan pa ang karapatan nitong maging kinatawan?