(First part)
PINAG-IINGAT namin ang publiko, partikular ang mga mahihilig mamili sa mall. Mag-ingat, mag-ingat sa modus ng AOWA Electronic Philippines.
Ang pahayag na ito ay mula mismo sa Department of Trade and Industry (DTI) sa tanggapan ni Assistant Secretary Ma. Theresa Pelayo sa BITAG kahapon.
Nagpalabas ng cease and desist order ang DTI o pagpapatigil sa operasyon ng AOWA Philippines sa estilo ng kanilang PANLOLOKO at PANLILINLANG na marketing strategy.
Ang notoryus na marketing strategy ng AOWA Philippines ay isang uring “pagnanakaw” daw sa mga credit card holders na kanilang mga nabiktima na.
Isa lang ito sa mga dahilan kung bakit nagpalabas ng cease and desist order ang DTI noong Oktubre 26, 2007, lingid sa kaalaman ng nakararami.
Ayon na mismo kay Assistant Secretary Pelayo, halos 300 na ang mga biktimang nagreklamo sa kanilang tanggapan.
Hindi pa kabilang dito ang mga daan-daang biktimang nanahimik na lang dahil sa perwisyong idudulot kapag sila’y nagsampa ng reklamo.
Isama na natin ‘yung mga ilang daang mga nabiktima subalit nang matunugan ng AOWA Philippines na sila ay malalagay sa alanganin muli, agad silang inareglo ng AOWA Philippines.
Oo nga naman, bakit ka pa magrereklamo kung binayaran ka na ng halos doble, magrereklamo ka pa?
Notoryus ang kompanyang ito, naging laman ng balita ang AOWA PHILIPPINES sa primetime news ng dalawang higanteng network noong mga nakaraang taon.
Makailang beses na rin silang naipalabas sa programang BITAG sa IBC 13 maging sa programang IMBESTIGADOR ng GMA 7.
Nitong ikalawang linggo lang ng Enero 2008, tinangka ng AOWA Philippines na aregluhin ang BITAG upang huwag na silang mabulgar.
Binasura namin at binato namin pabalik ang alok ng mga hinayupak.
Maglalagay daw sila ng kanilang TV commercials sa halagang daan-daang libong piso sa programang BITAG. Tsk-tsk-tsk!
Habang sinusulat ko ang kolum na ito, tuloy pa rin ang operasyon ng balasubas na AOWA Philippines.
May bagong estilo sa modus ng AOWA Philippines ang aming nadiskubre nitong nakaraang linggo lang sa may 2nd floor ng Harisson Plaza Mall.
Malamang, eto na rin ‘yung raket na ginagamit ngayon ng AOWA Philippines ibang mall sa mga probinsiya ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Ginamit nila ang mga sumusunod na celebrity na malamang ay lingid sa kaalaman ni Melanie Marquez, Alvin Patrimonio, Derek Dee at Angelica Panganiban.
May karugtong…Abangan!