PARA kay Kit Tatad, dating reporter, press secretary at senator, ang media ay lulong sa pagbalita kung sinu-sino ang tatakbo para Presidente sa 2010. Pati ‘yung isyu kung puwede kumandidato muli si Joseph Estrada ay labis raw ibinabalita. Mali raw ang mga usaping binibigyan-pansin ng media.
Sa dakong pulitika naman, lulong ang oposisyon sa pagpapatalsik kay Gloria Arroyo. At abala naman ang administrasyon sa pagkapit sa poder. Nauubos lang daw ang sigla ng magkabilang panig sa guniguni.
Samantala, patuloy na naghihirap ang masa. Hindi magkasundo ang pamunuan sa solusyon. Parang panahon nina Rizal at Bonifacio, ani Tatad, tinatanong ng mga intelektuwal kung reporma o rebolusyon ang dapat.
Narinig daw niyang magpaliwanag si dating South African president Frederik de Klerk kung paano nila winakasan ni Nelson Mandela ang pag-aalipin sa mga Itim. Simple lang aniya ang sagot ni de Klerk. Nilagay daw niya ang sarili sa kalagayan ng kabilang panig at inintindi kung bakit ninanais ng kalaban (sina Mandela) ang kung ano mang pakay nito.
Ani Tatad, dapat tularan ang ehemplo nina de Klerk at Mandela na imbis na magkatayan ay nag-usap at nagkasundo sa mga hakbangin. Maaari raw umupo ang administrasyon at oposisyon para ilatag ang mga tiyak na kapwa nilang nais na pagbabago.
Isa sa tiyak na pagkakasunduan nila ay reporma at paglilinis ng sistemang halalan. Ehemplo, ani Tatad:
• Batas na magpapairal sa pagbawal ng Konstitusyon sa political dynasties;
• Batas sa pagtustos ng Estado sa kampanya ng mga kandidato, para patas ang labanan at walang kikilan kapag nanalo na;
• Batas para otomatikong resigned na ang isang senador na sa gitna ng termino ay tatakbo bilang Presidente, Bise, o ano pa mang posisyon;
• Batas na magpapadali sa recall ng isang popular na kandidato na naging imoral o walanghiya; at
• Bagong sistema sa pagboto at pagbilang upang bumilis at luminis.